^
Ate Vi, âdi mapilit sa mas mataas na posisyon
Ate Vi

Ate Vi, ‘di mapilit sa mas mataas na posisyon

ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - April 20, 2021 - 12:00am

Natatawa na lang si Congresswoman Vilma Santos dahil sa kumakalat daw na tatakbo siya para sa isang mas mataas na national position sa 2022. “Mayroon pa akong isang term sa house, at sa totoo lang dahil diyan sa pandemic ay marami pa akong gustong gawin sa aming distrito, sa lungsod ng Lipa, na hindi ko nagawa, kasi nga imposible dahil sa pandemic. Sa ngayon kung ako ang tatanungin, gusto ko munang matapos lahat iyon,” pahayag ni Cong. Vi nang makausap namin.

“Iyang sinasabi naman nilang mataas na position, alam ninyo kung kailan pa nila inialok iyan sa akin at kung ilang ulit na. Huwag na ninyong banggitin pa kung sino iyong mga nag-alok. Pinupuntahan pa ako noon sa kapitolyo sa Batangas, at kung sinu-sinong mga kaibigan ko ang isinasama para ako kumbinsihin. Pati si senador kinakausap nila. At alam naman ninyo ang naging desisyon ko in the end, gusto ko munang dito lang ako sa Batangas,” paliwanag pa ng misis ni Sen. Ralph Recto.

“Dito kabisado ko na ang mga tao, kabisado na rin nila ako. Alam na alam ko ang buhay ng mga tao rito, kaya naman nagagawa ko kung ano ang pinakamabuti para sa kanila. Alam mo kasi ang problema, matagal mo nang pinag-aralan ang solusyon. Ang isang national position, masyadong malaki yata ang Pilipinas para isipin mo lahat ng problema. Halimbawa biglang nagkaroon ng disaster sa Mindanao, tatakbo ba ako agad doon? Eh dito sa Batangas, kung nasaan man ang problema, madali kong puntahan.

“Kung iyong masyadong malalayo na, papaano naman ang tungkulin ko sa aking pamilya? Alam naman ninyo hands on din ako sa pamilya ko, pati kung ano ang ulam namin, ako ang namimili. Hindi na nga lang ako ang nagpupunta sa palengke pero gu­magawa ako ng listahan ng bibilhin. Hindi ako nagluluto, pero kung nasa bahay ako, nakabantay din ako sa kitchen.

“Kung nasa isang mataas na national position ka, hindi mo na magagawa iyan. Ito namang trabaho ko ngayon, national position din. Gumagawa kami ng batas para sa buong Pilipinas, hindi lang naman sa Batangas. Pero mas may oras pa rin kaming maaaring ibigay sa pamilya,” ang banggit uli ni Cong. Vilma na alam din naman ng fans niya kung sinu-sino ang mga nag-offer sa kanyang kumandidato noon pa sa mas mataas na posisyon.

Panonood ng TV, pinagsasawaan na

May obserbasyon, kakaunti na raw ang nanonood ng telebisyon sa ngayon, at sinasabi nila na mas marami ang nanonood na lang sa internet, kasi maaari silang manood ng internet content lalo ang news kahit na sa cell phone lamang.

Napapansin din siguro iyan ng networks kaya sila na rin mismo ang nagbebenta ng mga dongles na nagsisilbing TV tuner sa cellphones.

Pero sa palagay namin, ang talagang dahilan kung bakit bumabagsak ang TV audience ay dahil na rin sa mga palabas nila, na karamihan ngayon ay puro replay. Iyon namang news, kaya bagsak ay masyado nang nakaka-depress dahil walang laman kundi COVID, na maghapon mo nang naririnig sa radyo, hanggang TV news program ganoon pa rin.

Itong nakaraang weekend, ang taas ng audience ng live video feed noong libing ni Prince Philip, na saglit lamang nakita sa balita, at natabunan ng COVID.

Eh sa totoo lang nasusulasok na ang mga tao sa nakaka-depress na balita. Mag­hapon ka na ngang buryong, ang mapapanood mo pa ay nakaka-depress.

Iyon ding palabas nila na karamihan ay Koreano, napapanood in advance sa internet at iba pang pirated copies, eh sino pa nga ang manonood sa kanila?

Male starlet na nagbebenta ng ari sa video, pinagsususpetsahang dumaranas ng depresyon

Ibang klase rin si male starlet. Aywan kung gusto lang niyang mapag-usapan o talagang may pagka-exhibitionist siya. Nakikipag-video call siya sa mga kakilala niyang mukhang interesado at ipinapakita niya ang kanyang private parts.

Aywan namin kung may ginagawa rin silang ibang deal pagkatapos noon.

Ayaw naming mag-isip ng masama pero may isang kaibigan kaming doctor na nagsasabing iyan daw ay depression at “symptoms of insanity.”

Siguro nga raw nangyayari dahil buryong na rin sa lockdown o baka dahil wala nga silang trabaho at naisip niyang kumita ng pera sa ganoong paraan.

Marami na talagang lumalabas na kakatuwa sa panahong ito ng napakahabang lockdown, na hindi mo malaman kung kailan matatapos. Sana sa 2022 tapos na.

VILMA SANTOS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with