Aga, bagets pa rin ang datingan
Aga
Aga, bagets pa rin ang datingan
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - September 29, 2020 - 12:00am

Noong isang gabi, nakakatuwa naman at napanood namin sa isang cable channel ang digitalized copy ng pelikulang Bagets. Inilabas iyan noon pang 1984, at nakakatuwang may magandang kopya ng pelikula na lumikha ng isang halos pandemyang fandom noong panahong iyon.

Hindi maikakaila na ang sumikat nang husto sa pelikulang iyon ay ang actor na si Aga Muhlach, at ang salitang “bagets” ay naging synonymous na sa kanyang pangalan. Basta sinabi mong bagets, si Aga Muhlach na ang nasa isipan ng mga tao noon.

Napanood namin ang dalawang huling pelikula ni Aga, ang indie na muntik pang hindi matuloy ang palabas noong manood kami dahil apat lang ang aming kasabay, at iyong remake ng isang Korean film na siyang humakot naman ng kita ng festival, at tumalo sa mga consistent top grosser stars ng MMFF last year. Pero sa dalawang pelikulang iyan, marami ang pumansin, nadagdagan ang timbang ni Aga pero ganoon pa rin. Matinee idol pa rin ang dating.

Kaya nga noong isang gabi rin, nagkakatawanan sila habang pinanonood ang isang video mula sa computer dahil iyong isang dating young male star ay matandang-matanda na nga ang dating. Puti ang buhok, payat at kulubot na ang mukha. “Hindi ba si Ruben Tagalog iyan,” tanong ng isa. “Hindi si Larry Miranda iyan,”sagot naman ng nagtatawang kausap. “Mali kayo pareho, iyan si Cenon Lagman,” sabi ng isa pang nagtatawa rin.

Puro kalokohan dahil alam nila kung sino ang napapanood nilang kumakanta, at hindi iyon isa man sa mga nabanggit nila. Pero ganun ang biruan dahil ang kumakanta nga bagama’t nakilalang bata ay mukhang kasing tanda na ng mga nagpasikat ng mga kantang kundiman.

Sinasabi nga ng star builder na si Mina Aragon noong araw, “you owe it to the public to look good.” Naalala rin namin ang madalas na sinasabi ng isa pang star builder, si Douglas Quijano na “the secret is to retard aging. Wala kang karapatang tumanda habang artista ka.”

Aywan nga ba kung bakit, sa ibang bansa mas natutuwa silang makita na aktibo pa ang mga matatandang artista, pero dito sa Pilipinas, ang isang artista ay parang walang karapatang tumanda, maliban kung tatanda ka “gracefully” kagaya nga ni Gloria Romero na maganda pa rin, o ni Eddie Garcia noon na matanda man, fit pa rin ang dating.

Iyon din ang madalas na sinasabi noon ni Kuya Germs, “basta tumanda ka na, huwag kang aarteng matanda na, kasi mahihirapan ka na.”

Palagay namin iyon nga ang sikreto ni Aga Muhlach kaya hindi siya nagmukhang matanda. Bukod pa sa nailagay niya sa ayos ang kanyang pamumuhay. Ang pagtanda ng isang tao, nasa outlook ‘yan at si Aga ay obvious na magaling magdala.

Mapanood man si Aga ngayon sa mga bago niyang pelikula o bagong TV show, walang magtatalo kung ang pinanonood nila ay si Rogelio dela Rosa o si Leopoldo Salcedo. Kilala pa rin siya bilang si Aga Muhlach, at hanggang ngayon tangay pa rin niya ang kanyang image bilang isang matinee idol. Kaya naman kumikita pa at nagiging top grosser pa ang kanyang pelikula. Hindi siya nalaos. Kasi nga natutuhan niyang pangalagaan ang kanyang sarili, na siya namang puhunan ng isang artista para manatili siyang sikat. Bukod pa sa nakukuha pa siyang endorser ng mga produkto.

AGA MUHLACH
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with