Readers aliw pa rin sa blind items/not so blind items!
SO...CHISMIS ITOH!? - Ruel Mendoza (Pang-masa) - December 8, 2019 - 12:00am

Biruin mo nga naman… 16 years na ang hawak ninyong tabloid na PM (Pang-Masa)!

Kaybilis ng panahon, ‘di ba? Taong 2003 nang magsimula ang PM na ang entertainment editor ay si Salve Asis na kung buntis siya at nanganak sa taon na iyon, meron na siyang 16 year old na anak. At kung pasaway pa ito, malamang ay laging nakunot ang noo ni Salve!

Pero walang pasaway sa mga kolumnista ng PM. Lahat ay sumusunod sa kanilang ina. Kaya naman si Salve, fresh parati at hindi stressed.

Dahil 16th anniversary, heto ang 16 blind items na pag-iisipan ng husto kung sino sila?

Wala pa ring sawa ang readers sa blind items at sana ay kaaliwan nila ang kabaliwan ng mga characters na hindi namin pinangalanan. Kung kilala ninyo sila, shut up na lang, ‘di ba? 

Male hunk mas piniling tularan ang tatay na ‘di na nagpalaway sa beki

Ang indecent proposal offer daw ng isang beki director ang naging dahilan kung bakit nilisan ng promising male hunk ang showbiz at sa ibang bansa na lang daw ito naghanap ng kanyang kapalaran.

Guwapo at matipuno pa naman ang young actor na ito. Leading man material at may talent pa sa pagkanta. Pero hindi raw nito matanggap na ang pinagkatiwalaan niyang mag-mentor sa kanya sa pagpasok niya sa showbiz ang siyang gustong dyowain siya.

Noong ikuwento ni young actor ang indecent proposal sa kanyang ama na isang former celebrity din, ang unang tanong nito sa anak kung tinanggap ba niya ang offer? Ang sagot ni young actor ay hindi.
Naiyak na lang daw ang ama ni young actor dahil pinagdaanan din daw niya ang maalok ng indecent proposal noong kabataan niya at nagsisimula rin sa showbiz.

Male starlet na lulong sa online gambling wanted sa netizen na inutangan ng P300,000

Nagtatago raw ngayon ang feeling sikat na male starlet na ito dahil wanted siya sa isang inutangan niya na umabot ng P300,000.

Nalulong kasi sa online gaming ang male starlet at lahat ng naipon niya sa kanyang mga naging raket ay naubos kaya may binola-bola siya na isang follower niya sa social media na patay na patay sa kanya. Jinowa niya ito dahil alam niyang mapera ito. Panay kasi ang padala sa kanya ng kung anu-anong mamahaling gamit, kaya sa pagkakataong iyon, pera na ang hiniling niyang ipautang sa kanya.

Dahil na-in love na ang netizen kay male starlet, tuwing magkikita sila sa condo nito, inaabutan niya ito ng pera dahil sa hilig nito sa online gaming. La­ging may pangako si male starlet na babayaran niya ito kapag nakuha siya sa isang teleserye. 

Nalokah lang ang netizen kay male starlet noong hindi na ito magparamdam after three months. Panay ang message niya rito sa social media accounts pero dedma si male starlet hanggang sa i-block na siya nito.

Dahil ayaw maiskandalo ni netizen, tahimik siyang nag-imbestiga at nalaman niya na may bagong binibiktima ang male starlet na nataon pa ay kilala niya.

Female celeb habit gumawa ng eksena

Mahilig talagang gumawa ng eksena ang female celebrity na ito. Kung hindi ito nagpapaka-OA sa kanyang mga performance sa TV at sa mga live show, pinapakita naman niya ang kanyang pagi­ging palengkera kahit na alam niyang mara­ming nakakakita sa kanya.

Ito nga ang kinakalokah ng mga kaibigan ng female celebrity. Imbes nga raw na magpaka-low profile ito dahil masyado na nga siyang mainit sa mga mata ng ilang tao, para pa raw itong nananadya at gusto niya talagang gumawa ng eksena.

Ang mga kaibigan na nga niya ang nahihiya at minsan ay iniiwan na lang nila ito kapag alam nilang gagawa ito ng kakaibang eksena. Ang hilig pa raw gawin ng female celebrity ay ang makipagtalo sa mga sales lady.
Ilang sales lady na raw ang pinakitaan ng female celebrity ng kanyang katarayan at kahit na walang dahilan ay sinusungitan niya ang mga ito.

Singer / Actor sira na ang boses sa sobrang dami ng raket

Marami ang concern sa singer-actor na ito dahil nawawala na ang ganda ng boses nito kapag kumakanta.
 Sa regional event kun saan naimbitahan si singer-actor na kumanta ay ilang beses itong pumiyok at nawala sa tono. Sumasabit na raw ito sa kanyang mga kinakanta at halata na ito ng audience.

Nakakagulat lang dahil maayos naman daw ito kumanta. Pero ilang beses na palang nagkakaganon si singer-actor at nirereklamo na siya ng mga nang-iimbita sa kanya.

Sinisisi sa pagiging ganun ng singer-actor ay ang manager nito dahil sobra na raw nitong pinapagod sa mga raket ang alagang singer. 

Drama actress na tambak ang utang sa nilayasang manager, hinahabol

Sinisingil ng isang talent manager ang dati niyang mina-manage na drama actress sa mga inutang nito sa kanya noong hawak pa niya ito.

Ayon sa aming source, nae-stress daw parati ang talent manager sa drama actress pagdating ng singilan ng komisyon. 
Bilang manager kasi, 30 percent ang usapan nila ng drama actress at kapag sumweldo na raw ito sa TV network ay marami itong excuse kapag hindi nakakapagbigay ng komisyon.

Ang nakakalokah pa raw sa drama actress ay bukod sa hindi na nga nakakapagbigay ng komis­yon ng maayos, umuutang pa raw ito sa kanyang manager para sa pangmatrikula ng kanyang mga anak!

Kaya ang gagawin na lang ng talent manager since pahirapan na maningil ng komisyon sa dati niyang alaga, kakausapin niya ang mga bossing ng network at ipapatanggal na lang niya ang komisyon niya kada payday ng drama actress.

Female celeb na blacklisted ng isang network, nagbebenta ng mga kagamitan sa internet

Solo na palang inaasikaso ni female celebrity ang kanyang sarili dahil hindi na raw kinaya ng da­ting manager nito ang kanyang masamang ugali.

Hindi na raw ni-renew ang kanyang kontrata dahil masyado raw malala na ang attitude problem nito. Kaya si female celebrity na raw ang nagtatawag sa mga talent coordinator para ipaalam na direkta na sa kanya ang tawag for guestings.

Ang problema nga raw ay naglabas ng memo ang naturang network at isa ang name ni female celebrity na hindi puwedeng i-line up na guest sa anumang shows.

Kung noon ay parang naging paborito siya ng network, ngayon ay blacklisted na siya.

“Kasi nga may ginawa yata ang babaeng ‘yan kaya imbiyerna sa kanya ang mga bossing. 

“Kaya banned siya na maging guest sa kahit na anong show,” sey pa ng nakausap naming talent coordinator.

Marami pa naman daw bayarin ang female celebrity, lalo na sa bahay na kanyang binili na hindi pa niya nababayaran ng buo.

Nagbenta na nga raw siya ng isang sasakyan niya para makabawas sa ilang pinagkakautangan niya.
Nagbenta rin daw ito ng mga hindi na niya gina­gamit na mga damit, sapatos at accessories online. 

Naka-post sa isa sa kanyang mga social media accounts (sa ilalim ng ibang name) ang mga item na binebenta niya.

Dating sexy actress na matrona na ang awra, parang anak ang ka-date

Isang foreigner nga ang nakitang ka-date ng da­ting sexy actress sa isang sikat ngayon na hotel and casino.

Nang tanungin nga raw ang dating sexy actress kung boyfriend ba niya ang afam na kasama nito, sinabi nito na kaibigan lang daw ang naturang foreig­ner ng kanyang best friend at pinakiusapan siyang ipasyal ito.

Pero nagdududa ang aming source dahil kung makadikit at nakakapit sa braso ng afam ang dating sexy actress ay para itong linta na ayaw humiwalay. 

Matagal ding nanahimik ang dating sexy actress simula noong magkagulo sila ng kanyang dating ka-live-in partner.

Pero matagal na nga silang naghiwalay at nakahanap na siya ng ibang makakasama sa buhay. Yun nga lang ay ilang taon lang silang nagsama at naghiwalay sila agad.

Kaya ang bagets na afam na kasama nito kama­kailan ay ang sinasabing lover boy niya.

Aktor na umastang superstar natakot mawalan ng career

Umaa-attitude na raw ang male celebrity na ito na biglang sikat at ngayon ay kung anu-ano na raw ang mga demand kapag may trabaho ito.

Kung noon ay walang kibo at sumusunod lang ang male celebrity kapag may pinapagawa sa kanya, ngayon ay matanong na raw ito.

Nagugulat nga raw ang mga taong nag-aasikaso sa male celebrity dahil sunud-sunod ang sumbong sa kanila ng mga taong nakakatrabaho ni male celebrity.

Kung hindi raw bugnutin ito, hindi raw sumusunod sa mga gusto ng mga nasa production.

Noong una raw kasi ay pinagbibigyan nila.

Pero  nitong huli raw ay kung umasta ay superstar na. Ayaw magpaistorbo sa kanyang dressing room at lalabas lang daw ito kapag nakapahinga na siya ng husto. Mareklamo rin daw ito sa mga damit na pinapasuot sa kanya. May isang insidente raw na hinagis niya yung dapat na costume niya sa isang eksena ng show kung saan ay guest siya. Naantala ang taping dahil naghanap pa raw sila ng damit na magugustuhan ni male celebrity.

Inipon nga raw ng management ng male celebrity ang mga reklamo rito at tinawag na raw nila ang attention nito sa isang meeting.
 “Natakot sigurong malaos kaya mabilis na nag-sorry sa mga pinakitaan niya ng kahambugan niya,” pagtatapos pa ng source namin.

 (MAY KARUGTONG BUKAS)

BLIND ITEMS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with