‘Di puwede ang kalokohan dito’
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - December 8, 2019 - 12:00am

Bagets na  bagets. 16 years old na ngayon ang PM (Pang-Masa). Kung noong una, sinasabing ang PM ay “kapatid na diyaryo ng PSN (Pilipino Star NGAYON)”, ngayon nakakatayo na iyon “on its own”. May sarili na ring followers ang PM. Sa mga tindahan ng diyaryo, may naghahanap na talaga ng PM, kung hindi ba naman tatagal kami ng 16 na taon.

Pero siguro po isa lang ang masasabi naming kaibahan namin dito sa PM. Nagsasabi po kami nang totoo. Walang ibang konsiderasyon kundi maiparating sa mambabasa ang katotohanan.

May mga pagkakataong mapapansin ninyo na ang aming mga kuwento, lalo na nga sa entertainment ay iba kaysa sa mga lumalabas na kuwento ng ibang diyaryo. Pero paglipas ng ilang araw at saka ninyo matutuklasan, mas totoo pala ang kuwento sa PM. Iyon po kasi ang mahalaga sa amin eh, ang masabi namin kung ano ang totoo.

Maraming gagawa ng kuwentong medyo nalilihis, sa hangad na mas maging kontrobersiyal ang kanilang istorya. May iba namang sadyang ini­lilihis, “dahil sa ibang kunsiderasyon”. Pero dito po kasi sa PM, ang usapan ay walang ibang kunsiderasyon kundi iyong totoo. Minsan may mga kaibigan kang magtatampo sa iyo, pero wala kaming magagawa eh, kasi kailangan naming ilabas ang totoo.

Alam ng PM ang responsibilidad ng pamamahayag. Hindi po kami kagaya ng mga lumalabas lamang sa social media na kung mabuko, madali namang mai-delete at mai-deny ang post na ginawa. Kung mabuko, magpapalit lang ng account at ayos na naman. Iba po sa PM, dahil bawat isa sa amin ay mananagot kung ano man ang aming isinulat. Nakalagay ang ­aming tunay na pangalan. Nakalagay din kung saan ninyo kami mahaha­nap. Hindi puwede ang kalokohan dito.

Siguro iyon naman ang nagiging advantage namin, kasi natural lang naman sa mga mambabasa na makinig at maniwala doon sa mga kakilala nila, doon sa alam nilang mapagkakatiwalaan nila.

Hindi madali ang magsulat sa PM. Dito kasi sadyang isinusulat kung ano man ang nababasa ninyo para ang mga balita ay higit ninyong maunawaan. Hindi basta nagbalita lamang. Hindi kagaya ng mga nababasa ninyo sa iba na kung ano ang ikinalat na press release iyon mismo ang mababasa ninyo. Kaya kung ano ang nabasa na ninyo sa isa, iyon din ang nakalabas sa isa. Dito po sa amin ay hindi puwede ang ganoon. Mapapansin din ninyo, talagang isinasa-ayos ang lahat ng mga isinusulat. Kasi hindi ka lamang nagbabasa ng diyaryo para malaman kung ano ang nangyayari. Kailangan may natututuhan ka ring tama. Ang unang tama na kailangan mong matutuhan sa pagbabasa ng diyaryo ay ang wastong gamit ng ating sariling wika. Hindi puwede iyong Tagalog na nga salitang barok pa. Kasi nga naniniwala rin kami na katungkulan namin hindi lang magbalita kundi magturo rin.

Hindi ka rin makakabasa sa amin ng mga nagsusulong sa hindi tamang values. Hindi namin isusulong ang pakikiapid, ang wala sa ayos na kalandian, ang pagsusugal, paglalasing, o anumang masamang gawa.

Pabayaan na ninyo sa social media ang lahat ng maling bisyo at kahalayan.

Bakit po namin pinagbubuti ang aming diyaryo? Kasi nga po, sinasabi naming kami ay Pang-Masa, at naniniwala kaming kung ano ang pinakamabuti, iyon ang dapat naming ihatid sa masang Pilipino. Hindi lang masasabing kailangan kung ‘di karapatan ng masang Pilipino na makuha ang pinaka-mabuting serbisyo pati na ng media, kaya iyon ang ginagawa ng Pang-Masa.

Ngayon, 16 years na kami, at sinasabi naming marami pang 16 years ang lilipas at patuloy na sisikapin ng PM na ihatid sa masang Pilipino ang mahusay na pagbabalita at tapat na paglilingkod.

Sa awa ng Diyos, wala kaming pinahahalagahang higit pa sa paglilingkod sa masang Pilipino.

PANG-MASA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with