JM de Guzman
JM dedma pa sa kasong frustrated murder!
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - September 23, 2019 - 12:00am

Sumagot na ang mga abugado ni JM de Guzman tungkol sa iniharap na kasong frustrated murder laban sa kanya. Sinabi ng mga abugado niya na unang nagharap ng kasong serious physical injuries ang complainant laban kay JM at isa niyang kasama matapos ang insidenteng nangyari, pero nang malaunan iniurong din naman iyon. Ngayon nga ay nagsampa nang mas mabigat na kasong frustrated murder ang sinasabing nabugbog nina JM.

Hindi sumasagot si JM na busy sa kanyang seryeng Pamilya Ko, at ipinagkatiwala nga sa kanyang mga abugado ang lahat, pero sinabi nila na haharapin ng actor ang kaso. Iyon nga lang, kailangan daw na dalhin ang usapan sa tamang forum, ibig sabihin sa husgado. Sinasabi nilang hindi tama iyong nangyayaring trial by publicity.

Hintayin na nga lang natin kung ano ang kalalabasan ng paghaharap nila sa korte.

Maine ‘di pa sanay sa lagare

Hindi pa naman umaangal si Maine Mendoza, tinatanong lang niya ang kanyang sarili kung kaya pa ba niya ang ginagawa niya sa ngayon. Tinatapos pa kasi niya ang isang pelikulang nasimulan na niya at pagkatapos, kailangan naman niyang lagariin ang shooting ng kanyang festival movie with Vic Sotto.

Iyong mga artista noong araw, lalo na iyong gumagawa ng supporting roles ay sanay diyan sa “lagare”, ibig sabihin may ginagawa silang dalawa, o kung minsan ay tatlo pang pelikula nang sabay-sabay. Pero bihira namang nagkakasabay ang shooting schedule, iyon nga lang sinasabi nilang mahirap din, dahil sa bawa’t shooting magkakaiba naman ang ginagampanan nilang character.

Siguro, hindi nga masasabing pagod lamang, kung hindi iyong pagkakaiba ng roles na kanyang ginagampanan sa dalawa niyang pelikula ang nakakaapekto kay Maine. Bukod sa dalawang pelikula nga ang kanyang ginagawa, kailangan pang present siya nang live sa kanilang TV show na Eat Bulaga.

Minsan nagiging problema rin ang ganyan dahil nawawalan na nga ng pana­hon ng isang artista para sa kanyang sarili. Iyong isang dalaga na kagaya ni Maine, marami rin namang ginagawa iyan. Pero ngayon kailangang isakripisyo niya ang mga bagay na personal alang-alang sa kanyang career.

Marami na rin namang naisakripisyo si Maine, unang-una na nga ang kanyang privacy. Ngayon kahit na ano ang gawin niya parang pinanonood siya ng mga tao. Pero ang maganda nga lang ugali niya, hindi siya umaangal sa mga bagay na ganyan.

Alam naman niya na dahil pinili rin niyang pumasok sa showbusiness, kailangang isakripisyo niya minsan ang kanyang panahon, lalo na’t sabay-sabay nga ang trabaho.

Isah Red maraming napasaya

Nalungkot kami sa napakaagang pagyao ng aming kaibigan at kasamahan sa trabaho na si Isah Red. Hindi si Isah iyong inaasahan mong mawawala nang maaga, lalo na’t kung maririnig mo kung papaano niya pangalagaan ang kanyang katawan. Pero kung minsan, talagang ganoon lang kadali ang buhay ng isang tao.

Alam naming marami rin namang napasaya si Isah sa pamamagitan ng kanyang panulat. Ipana­langin natin na matagpuan niya ang walang hanggang kapayapaan.

Marami ang makaka-miss kay Isah.

JM DE GUZMAN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with