Direk Joel Lamangan
Nang dahil sa kable, Direk Joel naloka sa nangyari kay Eddie
Gorgy Rula (Pang-masa) - June 17, 2019 - 12:00am

Sa Nominees Night ng Eddy’s Awards ng grupong SPEED (Society of Philippine Entertainment Editors) lang nagkaroon ng pagkakataong mahingan ng pahayag si direk Joel Lamangan sa nangyaring aksidente kay Eddie Garcia.

Isa kasi siya sa nanghihinayang dahil gusto raw talaga niyang makatrabaho ang beteranong aktor.

Hindi raw matawaran ang professionalism ni Manoy Eddie kaya naloka raw siya nang mabalitaan ang nangyaring aksidente sa taping ng Rosang Agimat.

Ayaw na lang manisi ni direk Joel, pero napapag-usapan lang naman daw. Kung sa kanya raw kasi yun, hindi na raw niya ipapagawa sa beteranong aktor ang action scene na ginawa nito bago siya naaksidente sa taping.

“Hindi ko patatakbuhin na may hawak-hawak na baril sa gitna ng init ng araw.

“Nobenta anyos na, e! Hindi ko gagawin yun.

“Kasi, si Eddie... dyusko, ‘day, matigas ang ulo niyan. Pag sinabi niyang, ‘Hindi! Kaya ko ‘yan!’ maski hindi naman niya masyadong kaya, ipapakita niyang kaya niya. Artista siya, siya ang gagawa...

“E, ako, ina-assert ko, ‘Hindi na, Tito Eddie! Huwag na! Huwag na. Iba na lang ang gagawa sa ‘yo. Maupo ka na lang diyan!” bulalas ni direk Joel nang makatsikahan namin pagkatapos niyang tanggapin ang kanyang Certificate of Nomination sa Eddy’s Awards sa Annabel’s Restaurant nung nakaraang Sabado nang gabi.

Ang isa pa raw na maingat si direk Joel ay ang pakalat-kalat na kable sa set.

Hindi raw puwedeng may nakakalat na kable kapag may matanda sa set.

“Kasi yung matatanda, hindi na nila masyadong naaangat ang mga paa nila. Hindi nila naaangat nang mataas. Talagang paganyan na lang ang lakad nila, o!

“Saka hindi dapat nagkakalat-kalat ang kable. Ayaw na ayaw ko ‘yon. Hindi puwede sa akin na pakalat-kalat ang mga kable. Talagang number 1 sa akin... dahil natatakot ako, baka ako mapatid.

“Ako kasi, palakad-lakad ako! Lumalakad-lakad ako, e, hindi naman ako nagtatago sa shade.

“Pag ako nagdidirek, talagang nandoon ako, lumalakad ako... baka ako mapatid,” saad ni direk Joel.

Pero nangyari na ang aksidenteng ito sinasabi naman ng taga-production ng Rosang Agimat na aksidente ang nangyari at walang may kagustuhan nito.

Nakakapanghinayang lang daw talaga na nangyari ito sa isang napaka-professional na katrabaho.

“Pag siya talaga, maaga ako talaga. Ayokong nauuna siya sa akin, oo. Professional na professional siya.

“Alam niya ang mga isusuot niya. Nagtatanong, ‘Paano ba ako dito? Ano ba ang gagawin natin dito? Ano ba ako?’

“Ganoon-ganoon tungkol sa kanyang karakter. Bago mag-umpisa, tatanungin ka na niya tungkol diyan.

“Dapat makakasagot ka. Kung hindi ka makakasagot, mukha kang tanga. Kawawa ka,” natatawang pahayag ni direk Joel na gusto pa niyang idirek si Manoy Eddie sa mga susunod na pelikulang gagawin niya.

Anita linda naiyak sa tinanggap na parangal mula sa FDCP

Hindi napigilang maiyak ng isa pang beteranang aktres na si Anita Linda nang bigyan ito ng parangal ng Film Development Council of the Philippines na pinangunahan ni Chairperson Liza Diño.

Bahagi pa rin ng pagdiriwang ng Centennial of Philippine Cinema, pinarangalan si Anita Linda (Alicia Lake sa tunay na buhay), na tinawag nilang Dunong ng Ina sa FDCP kahapon nang hapon.

Bago sinimulan ang programa, nagkaroon muna ng film showing ng pelikulang Adela na pinagbidahan nito at dinirek ni Adolf Alix.

Pagdating ni Anita, siya ang nag-cut ng ribbon kasama si FDCP Chair Diño.

Naka-wheelchair na siya at inikot niya ang exhibit ng poster ng mga pelikulang nagawa niya.

Kasama niya ang kanyang pamilya na inikot ang exhibit na kung saan inalalayan siya ni direk Adolf at Ms. Diño.                            

Naiiyak na siya habang tinitingnan ang mga posters. Binanggit pa niyang wala siyang kopya nung poster ng pelikula niyang Sisa. Nangako si Ms. Diño na ibibigay ito sa kanya.

Pagdating sa programa na kung saan paparangalan siya bilang Dunong ng Ina, nagsalita ang isang pamangkin niya. Doon ibinahagi kung sino si Anita sa kanila bilang kapamilya, at kung ano siya kapag nasa bahay lang.

Doon nalamang 13 pala silang magkakapatid, pampito siya at siya na lang daw ang natirang buhay.

Humagulgol na nang iyak ang pinakamatandang aktres nang tinanggap ang kanyang parangal.

“Salamat, Thank you. Thank you,” lang ang  narinig naming sinasambit niya habang umiiyak.

Nakakalungkot lang dahil si Eddie Garcia pa sana ang isang paparangalan sa Centennial of Philippine Cinema.

 

JOEL LAMANGAN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with