Panget na istorya at feeling magagaling na direktor sinisisi sa pag-semplang ng mga pelikulang Tagalog
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - May 28, 2019 - 12:00am

Naunang inilabas iyong Avengers. Nakuha lahat ng sinehan na nagbukas ng 24 oras dahil sa dami ng taong gustong manood. Ngayon sumunod pa ang Aladdin, isang lumang kuwento mula sa collection na Arabian Nights, naging mala­king hit din sa takilya. Hindi pa tapos iyan, may kasunod pang Spiderman na tiyak dudumugin din ng tao.

Ang masakit, parang dinadagukan ang pelikulang Pilipino, na lahat halos sunud-sunod din na naghihilahod sa takilya. Bumagsak sa takilya iyong mga pelikulang walang sikat na artista. Pero bumalibag din sa takilya ang pelikula nina AiAi delas Alas at Sharon Cuneta.

Ano ang problema?

May nagsasabing mga istorya ang problema. Kasi raw iyong mga kuwento hindi nasasakyan ng masa. Bakit nga ba sa TV mas magaganda ang kuwento at mas pinanonood ng mga tao? May nagsabing nawala na kasi ang komiks na dati ay pinagkukunan ng kuwento sa pelikula. Mas mahuhusay naman kasi talaga ang mga kuwento sa komiks. Kahit na iyong mga isinalin sa pelikula, kung napapanood ninyo ngayon, mas ok pa rin kaysa sa mga bago.

Problema rin ngayon ang mga director ng pelikula na gumagawa ng mga inaakala nilang magandang pelikula base sa kanilang stan­dards at walang pakialam sa mano­nood ng mga iyon kung naiinis na sa kanilang klase ng pagkukuwento. Kaya bagsak din ang mga pelikula nila.

Naghahanap ang tao ng magagandang opticals. Bakit nga ba sa TV nakagagawa naman tayo ng magagandang CGI, bakit sa pelikula ay hindi? Mas pinagaganda pa ang visuals sa TV na maliit lang ang screen kaysa sa pelikula na projected sa napakalaking screen sa mga sinehan.

Kailan nga kaya natin iisipin kung papaano mabubuhay ang industriyang inaasahan ng mahigit na dalawampung libong manggagawa?

Kathryn at Daniel mga bata pa nang magka-relasyon

Nag-celebrate ng kanilang pitong taong relasyon sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo. Isipin ninyo, 2012 pa pala ay mag-on na silang dalawa. Pero itinago nila iyon na kung iisipin, karapatan naman nila. Siguro naisip din naman nila noon na masyadong mga bata pa sila, hindi pa sila sigurado kung totohanan na nga ang kanilang love affair, at papaano nga kung magbago pa sila ng isip?

Pero ngayon, open na nga sila sa pagsasabing mayroon na silang relasyon. Iyan ay kasunod ng isang tsismis noon na nagkaroon sila ng kaunting problema sa relasyon nila, kaya nga may nagsasabing nang maayos iyon, mabilis na inilabas na totoong may relasyon na sila.

Dating aspiring actor, ni-reject ang indecent proposal!

May naka-chat kaming isang da­ting aspi­ring male star na tahimik na ang buhay ngayon sa abroad. Ngayon inamin niya na totoong noong araw ay nakatanggap siya ng maraming indecent proposals mula sa ilang bigwigs ng isang television network. Alam naman daw niya kung ano ang mangyayari kaya ni-reject niya ang indecent proposals. Pagkatapos noon, wala nang lumapit sa kanya, at tila nakalimutan na rin siyang isama sa projects kahit na may kontrata siya.

Sinasabi niya ngayong, “mukhang usual nang nangyayari iyon sa kanila. After all may contract ka man, ikaw lang ang bound ng contract. Wala namang sinasabi na kung hindi mo magawa ang ipinangako nilang projects ay babayaran ka pa rin. Hindi rin naman nasayang ang oras ko, kasi noong ma-realize kong wala na dahil hindi ako pumayag, lumayas na ako at nag-negosyo na lang,” sabi niya.

Mabuti kung ang lahat ng tao may prinsipyong kagaya niya.

AVENGERS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with