Vilma Santos
Ate Vi palaban sa isyung pandaraya!
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - May 17, 2019 - 12:00am

Hindi pa natalo kahit na kailan si Congresswoman Vilma Santos simula nang siya ay unang pumasok sa pulitika, 21 taon na ang nakaraan. At ang panalo niya ay laging landslide. Kung noong una ay sinasabing nananalo siya dahil siya ay isang sikat na artista, noong malaunan sinasabi nang nananalo siya dahil sa kanyang mga nagawa sa lalawigan ng Batangas.

Tatlong termino siyang mayor ng Lipa. Tatlong termino rin siya bilang gobernadora ng Batangas, at ngayon ay magsisimula na siya sa ikalawang termino bilang congresswoman ng nag-iisang distrito ng Lipa.

Pero sa buong panahong iyan, ngayon lang yata may nagbintang kay Ate Vi na nandaya raw siya sa nakaraang eleksyon at iyon ang pinalalabas ng mag-asawang tinalo niya sa Batangas. Ayaw na ngang magsalita pa ni Ate Vi tungkol sa mga bagay na iyon, at sinasabi ngang siguro ang dapat na lang magsalita ay ang mga tao ng Lipa.

“May mga nangyari talagang discrepancies, mayroon talagang pumalpak na mga VCM at totoo iyan hindi lang naman sa Lipa o sa Batangas kung di sa buong bansa, pero sinasabi nga kahit ng COMELEC na ang mga nangyari ay walang epekto sa kabuuan ng eleksiyon.

“Lagi namang kuwento iyang may hindi nakaboto, iyong hindi makita ang pangalan at nangyari rin iyan kahit na sa marami sa aming supporters, ganyan naman talaga ang eleksiyon kahit na noong araw pa. Ang naiba lang ngayon, nagbibintang daw na ako mismo nakipagsabwatan para manalo. Kailangan ko pa bang gawin iyon?” ang natatawa na lang na sabi ni Ate Vi.

Ang sinasabi nga ni Ate Vi, eh di daanin nila sa mga paraang legal, “mabuti nga iyon eh dahil mawawala ang kahit na anong duda.”

Ang talagang issue kay Ate Vi, hinihintay nila na tuparin niya ang lahat ng kanyang mga pangako, lalo na ang sinabi niyang gagawa siya ng pelikula this year.

AiAi napadali ang pagre-resign dahil sa flop na pelikula ng Ex-B?!

Nagbitiw na si AiAi delas Alas bilang manager ng Ex Battalion, at sinasabi niya ngayong hindi na kasi niya kaya ang kunsumisyon sa grupo. Noon pa raw sana niya gustong mag-resign, pero pinatapos muna niya ang showing ng kanilang pelikula dahil nahihiya naman siya sa mga producer nila.

Alam naman natin na mahina sa takilya ang kanilang ginawang pelikula, kaya ang tanungan nga, kung ang pelikula raw ba ni AiAi na kasama ang Ex Batallion ay naging isang malaking hit, magre-resign kaya siya bilang manager ng grupo?

Mga nagbabayad sa sinehan may gusto lang panoorin

Maliwanag, hindi ang pagkakaroon ng big stars sa cast, at lalong hindi ang pagba-bargain, o pagbabagsak presyo ng admission prices sa sinehan ang sikreto para kumita ang isang pelikula. Kailangan talaga gusto ng tao ang kanilang panonoorin, at kahit na mahal pa iyan, kahit na madaling araw pa iyan puno pa rin ang mga sinehan.

Nasabi namin iyan dahil sa pelikulang bagsak presyo man ang admission prices, hindi pa rin pinapasok ng mga tao sa sinehan. Mas interesado pa rin ang mga tao sa ngayon na mag-abang sa telebisyon kung sino nga ba ang nananalo sa eleksiyon kaysa sa manood ng sine na hindi naman nila talaga gusto, magbabayad pa sila.

Dapat gumawa ng pelikula na gusto ng tao.

VILMA SANTOS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with