Anne Curtis
Anne kailangan ng panibagong box-office hit!
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - May 6, 2019 - 12:00am

Para ‘di lumamig

Gagawa na raw ng pelikula para sa susunod na Metro Manila Film Festival si Anne Curtis, at ang makakasama niya ay si Vice Ganda. Tiyak naman iyon na comedy ang pelikula, at natural si Vice ang inaasahang magbenta niyan. Kung sakali at ma­ging top grosser iyan sa festival kagaya ng karaniwang nangyayari, at iyon ay kung walang malakas na makakalaban ang pelikula ni Vice, makakabawi na rin kahit papaano si Anne.

Hindi natin maikakaila na may panahong si Anne ay naging isang malaking box-office star din. May panahong sunud-sunod na hits ang kanyang ginagawang pelikula, pero siguro nga hindi nadiskartehan nang husto ang projects, nagkaroon siya ng dalawang sunod na pelikulang ewan kung bakit nagkaganoon.

Kung sa bagay, kailangan din naman ni Anne ang mahabang interval sa kanyang mga pelikula, dahil nag-asawa na siya’t lahat, ni hindi halos sila makapag-honeymoon. Dahil bumagal ang pelikula niya, nagawa na nila iyon ng kanyang husband.

Pero tamang diskarte iyan, ngayon ay kailangan nang makagawa ulit ng isang hit movie si Anne. Alam naman ninyo ang stars, ang basehan lamang ng popularidad ng mga iyan ay ang pinakahuling resulta ng kanilang mga pelikula. Dahil na rin naman sa ibang pinagkakaabalahan niya, hindi na rin siya gumagawa ng serye sa telebisyon. Naroroon pa rin naman iyong paniwala ng iba, kailangan maging hit muna siya sa isang movie at kung mangyayari iyon, tiyak aalukin na naman siya ng serye.

Sure fire na nga naman iyan kung makakagawa nga siya ng movie with Vice, maliban na lang kung sa mga susunod na araw ay magbuntis na nga si Anne. Naging usap-usapan din naman iyan minsan na baka nga on the family way na siya.

Pananagasa ng Avengers sa local films tuloy pa rin!

Ang usapan noong isang araw ay gaano pa raw kaya katagal hahagupitin ng Avengers: Endgame ang pelikulang Pilipino at ang iba pang mga pelikula.

Tandaan ninyo, hindi lang iyong horror film na Pinoy ang humilahod sa takilya. May horror film ding ingles na natabunan. Kaya nga sinasabi nila, mukhang hindi napapanahon ang mga pelikulang horror ngayon. Mukhang lahat sila ay maghihilahod sa takilya.

Sa tingin naman ng mga theater people, siguro mga isang buwan at makakabawi na ang ibang mga pelikula. Kasi sa trend ngayon, napakalakas pa niyang Avengers, na sa tingin nga nila hindi mga first timers iyan. Karamihan sa mga nanonood sa panahong ito ay umuulit na lang.

Pero sabi nga nila, “magsasawa rin ang mga iyan. Maghintay ka ng mga isang buwan pa”. Ibig sabihin, ang mga kasunod ay humanda munang bumalibag, o umurong muna ng playdate.

Indie panakip butas ng mga artistang laos?!

Sabi ng isang male star, “sa indie na lang muna ako”. Palagay namin tama naman. Wala naman kasing nag-aalok sa kanya ng isang mainstream project. Wala rin namang iniaalok sa kanyang serye. Ganoon naman talaga kung medyo lumilipas na ang iyong panahon. Kaya ang sinasabi niya, “sa indie na muna ako ngayon, kasi dito magagawa ko ang gusto ko” at isa pa hindi siya hahanapan ng malaking kita ng pelikula dahil natural naman sa indie films ang walang kita at hindi halos maipalabas sa mga sinehan. Iyan ngang indie ang sinasabi nilang “magandang kublihan ng mga artistang laos na, at noong hindi talaga sisikat”.

ANNE CURTIS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with