^
AlDub wala nang spark!
AlDub

AlDub wala nang spark!

ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - March 11, 2019 - 12:00am

Ewan ha, pero mukhang wala na ngang masyadong kilig iyong AlDub noong mapanood namin noong Sabado ng gabi.

Tiyak namang ginawa nila ang taping ng sitcom na iyan bago pa man aminin ni Maine Mendoza na totoo ngang dating sila ni Arjo Atayde, pero iyong kilig, hindi na kagaya noong dati.

May isa pang eksena na parang exaggerated movements, kagaya noong ginagawa nila noong una sa kanilang kalye serye, pero hindi na rin ganoon ang da­ting eh. Siguro iyong fans nila ay natuwa naman. Meron pa ngang nagkuwento sa amin na naiyak daw siya dahil naalala niya ang nakaraan at dahil alam niyang posibleng hindi na maulit iyong muli. Pero talagang umaasa pa rin naman sila.

Sinasabi nga nila, talagang si Maine naman ang umiba sa kuwento. Kasi ina­min nga niyang hindi naman nanliligaw sa kanya si Alden noon pa man. Tapos ngayon ay inamin niyang wala nang pag-asa dahil may boyfriend na siya. Pero ang tanong nga namin, may nasabi ba naman si Maine na hindi siya magpapaligaw sa iba maliban kay Alden, para asahan nga nila iyon?

Siguro kailangang tanggapin na lang ng fans na ang love team nina Alden at Maine ay bahagi lamang ng isang comedy na kanilang ginawa. Dahil comedy naman, kailangang tawa na lang ang ating isukli. Huwag ninyong seseryosohin kasi comedy nga eh. In the first place, Kalye Serye lang iyan. Ibig sabihin parang kuwentuhan lang sa kanto. Mas marami ang katatawanan kaysa sa katotohanan.

Isa pa, hindi kasi likas na showbiz si Maine. Kahit na nga artista na siya, hindi niya natutuhan ang mabuhay sa pagpapanggap. Hindi niya gusto iyong niloloko niya ang mga tao, o pinaniniwala ang fans sa mga bagay na hindi naman totoo. Iyon ang dahilan kung bakit inamin niya ang katotohanan.

Hindi nga nanligaw sa kanya si Alden, at wala siyang naging boyfriend sa simula’t simula. Bale ang inaamin lang niya first boyfriend niya ay si Arjo, at wala siyang pakialam ano man ang sabihin ninyo.

Producers mas magaganda ang nagagawang pelikula noon

Pagkatapos naming manood ng news, biglang sumunod ang isang pelikulang Pilipino, iyong Mano Po 5, na ang bida ay sina Angel Locsin at Ri­chard Gutierrez. Naroroon din sina Boots Anson Roa, Lorna Tolentino, Tirso Cruz III, at pati na si Christian Bautista. Napakalalaking artista sa isang pelikula lamang.

Maganda ang kuwento tungkol sa pag-iibigan ng isang lalaking pinoy at isang babaing Tsina, na mukhang may pinagbatayan sa totoong buhay. Ang director ay ang premyadong si Joel Lamangan.

Natatandaan namin, isinali iyan sa festival at kumita nang malaki. Kung hindi ba naman kumita iyan nasundan pa hanggang 7, at tapos may dalawang ibang pelikula pang kasunod.

Ang tanong lang namin, bakit ang producers ay nakagagawa ng mga magaganda at kumikitang pelikula noong araw tapos hindi nila ginagawa ngayon. Tapos nagrereklamo pa sila kung naghihilahod sa takilya ang kanilang mga pelikula. Bakit nga ba?

Pagkamatay ni Chokoleit, ikinagulat ng lahat!

Nagulat din kami sa balitang namatay ang komedyanteng si Chokoleit, na sinasabing inatake at isinugod ng ambulansiya sa isang ospital matapos lamang ang kanyang performance sa Abra. Si Cho­koleit ay 46 years old lamang. Napakaagang yumao.

Iba kasi ang trabaho ni Chokoleit. Madalas siya sa mga comedy bars. Puyatan iyan araw-araw. Pagod iyan, at napansin naming overweight na siya. Iyan ang mga delikadong senyales ng atake sa puso talaga.

ALDUB
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with