Vilma Santos iniyakan ang pagkamatay ng dating die hard fan!
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - March 8, 2019 - 12:00am

Hindi napigilan ni Congresswoman Vilma Santos na tumulo ang kanyang luha sa burol ni Marie Balbacui noong isang araw. Sabi nga nila, hindi pa artista si Ate Vi ay fan na si Marie ng mas matatandang artista, kilala na siya halos ng lahat, pero nang dumating si Ate Vi, talagang naging Vilmanian na siya.

Dahil madalas din namang nasa shooting o tapings ni Ate Vi, madalas na nakukuha ring bit player si Marie. May panahong maski nga ang reporters, kung may gustong malaman tungkol kay Ate Vi, si Marie ang natatanong. Siya kasi talaga ang nakabantay kay Ate Vi noon buong maghapon.

Makikita mo rin naman si Marie kasama ng ibang mga artista na naging mga kaibigan din niya. Madalas ding kasama siya ni Mang Dolphy noong nabubuhay pa. In fact, may nagsasabi nga na kaya siya natawag na Marie Balbacui ay dahil kay Mang Dolphy.

Noon may business din si Marie. Siya ang nagda-drive ng isang Ford Fiera na regalo sa kanya ng mga kaibigang sina Aurora Salve at Romy Ongpauco, may dala siyang daing, dilis, tuyo, itlog na maalat at kung anu-ano pa, na ibinebenta niya sa mga artista at iba pang kakilala. Kung sabihin nila ang paninda ni Marie ay “first class”.

Pero sa kabila ng lahat ng iyan, si Marie ay hindi pa rin pumapalya sa pagpunta kay Ate Vi, hanggang noong tumanda na nga rin siya at nanghina na. In fact, isa si Marie sa dahilan kung bakit tinanggap ni Ate Vi ang role niya sa Ekstra. Tribute niya iyon sa mga bit player, pero ang nasa isip niya ay ang fan na si Marie na sumasama rin sa mga extra, payag kahit na maliit lang ang bayad, basta kasama siya sa shooting, nakikita niya si Ate Vi, and at the same time nagiging parang artista na rin.

Sealed na ang kabaong ni Marie. Nakakalungkot na inabot daw ng tatlong araw bago natuklasan na namatay na siya sa tinitirahan niyang apartment. Mag-isa lang kasi siya at dinadalaw lamang ng isang pamangkin. Ayaw niya nang may kasama sa kanyang bahay. Ipinagmamalaki niyang siya lahat ang nag-aayos kahit na noong matanda na siya.

Hindi niya makalimutan na minsan nang mag-shooting si Ate Vi doon sa may Balic-balic ay dumalaw iyon sa kanyang bahay. Ipinagyayabang niya iyon.

Lahat ng iyon ang naalala ni Ate Vi, kaya hindi niya napigilang mapaiyak.

Tatay ni Alden napikon sa basher!

Halatang napikon ang tatay ni Alden Richards sa medyo bastos na comment ng isang basher. Iyong isang item sa online medium kung saan sinasabing kailangang makahanap na ng bagong leading lady si Alden, matapos na umamin na si Maine Mendoza na may boyfriend na siya.

Ewan naman namin kung bakit masyadong associated iyon sa kanilang tambalan. Para bang dahil may boyfriend na si Maine ay pagbabawalan na siyang tumambal kay Alden.

Eh alam naman ninyo ang social media, nariyan ang lahat ng klase ng hecklers. Nariyan din ang lahat ng klase ng pambabastos. May isang nag-comment at nagsabing “baka ang gusto niya leading man”.

Halatang napikon ang tatay ni Alden at sinagot iyon nang magalang pa rin naman. Sabi niya, “sir please prove it. Thank you.”

Magalang talaga dahil siguro kung kami iyon hahanapin namin iyong bastos na iyon at sasapakin din naming kagaya ng ginawa ni General Guillermo Eleazar doon sa lokong pulis.

VILMA SANTOS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with