Manalo o matalo, Catriona may kalalagyan!
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - December 17, 2018 - 12:00am

Ngayong umaga ang masasabi ngang moment of truth. Ngayon natin malalaman kung madadagdagan pa ang mga Pinay na mapipiling Miss Universe. Sa pageant na iyan, lagi nang inaabangan ang Pilipinas, simula nang manalo si Gloria Diaz noong 1969. Ngayon marami ang naniniwalang malakas ang laban natin dahil sa naipakitang talents at kakaibang style ni Catriona Gray.

 

Hindi kami mahilig sa ganyang beauty contests eh, pero naaaliw kami riyan kay Catriona, dahil sa bawa’t galaw niya ay may ipinahahayag siya tungkol sa kulturang Pilipino. Nakita ninyo doon sa national costume, bukod sa nagsuot nga siya ng isang kasuotang Muslim, may dala pa siyang isang malaking parol, sukdulang hindi siya halos makalakad sa buhat niya.

Doon naman sa evening gown prelims, ang suot niya ay inspired ng ating legendary bird na “sarimanok”. Kung natatandaan pa ninyo, iyang sarimanok ang ginawa ring logo ng Miss Universe pageant noong una iyong isagawa sa Pilipinas noong 1974.

Siyempre iba ang da­ting kung mamaya ay may bago na naman tayong Miss Universe, pero sa nakikita na­ming malakas na following niyang si Catriona, hindi malayong manalo o ma­talo, may mag-aalok di­yan na pasukin ang showbusiness. Hindi malayo iyan dahil ang kanyang boyfriend nang limang taon na si Clint Bondad ay isa ring artista bukod nga sa pagiging isang modelo.

Hindi rin kami magugulat kung hindi pa man ay may kumausap na nga sa kanya na pasukin ang showbusiness. Maganda naman iyong bata, at saka iyong acting madaling matutuhan iyan sa ngayon, sa dami ba naman ng nagbibigay ng workshops. Kung iyong kakaibang style ng paglakad natutuhan niya eh, iyon pa bang acting.

Palagay namin kung mag-aartista iyang batang iyan, papatok iyan.

Jack Em Popoy… malaki pa rin ang kikitain kahit i-boycott ng fans ni Maine

Talagang hinanap namin iyong sinasabing video ng interview ng manager ni Maine Mendoza na si Rams David. Noong pinanood namin iyon nang buo, wala kaming nakitang masamang sinabi si Rams. Sinasabi pa nga niya na sa ngayon wala namang proyektong magkasama sina Maine at Alden Ri­chards, at baka maging stagnant lang ang kanilang career kung pipilitin ang isang love team na wala namang project.

Diretso ring sinabi ni Rams na wala siyang pakialam sa personal life ni Maine, pero kung saan siya maligaya eh di sige lang. Eh ano ang masama roon?

Gusto ba nilang ang manager ni Maine ay magwala rin at magtutungayaw kagaya nila dahil lamang sa may ibang nanliligaw sa dalaga? At saka tigilan na nila iyang pagbabanta na dahil may ibang nanliligaw kay Maine ay babagsak ang pelikula niyang Jack Em Popoy: The Puliscredibles . Huwag kayong ganyan at alalahanin ninyo na hindi si Maine kung di sina Vic Sotto at Coco Martin ang inaasahang magdadala ng pelikulang iyon. Anong kalokohan iyong sinasabing hindi kikita ang pelikula dahil may nanliligaw nang iba kay Maine? Baka maniwala pa kami sa sinasabi nila kung ang pelikula nina Maine at Alden ay nagawa nilang pakitain kagaya ng KathNiel. Ibig sabihin may puwersa sila. Pero kung ang pagbabatayan ay iyong solo AlDub movie, wala kaming duda na mas malaki pa ang kikitain niyang Jack Em Popoy, mag-boycott man sila. At saka anong klaseng fans iyan na ibo-boykot ang pelikula ng sinasabi nilang idol nila dahil lang sa iba na ang ka-love team? Bakit, kaya ba hindi umangat sa ratings ang seryeng ginawa ni Alden dahil binoykot din nila dahil iba ang leading lady?

CATRIONA GRAY
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with