Regine dinumog sa Sydney
‘Kaloka ang ASAP Live in Sydney kahapon sa Sydney, Australia, Ateng Salve!
Aba, sobrang dinumog ang stars na kasali roon.
Grabe ang tao sa world-renowned ICC Sydney Theater, huh!
Siyempre, pinagkaguluhan doon ang pinakabagong Kapamilya na si Regine Velasquez-Alcasid!
Anyway, bukod sa new projects niya sa ABS-CBN pagbalik niya ng bansa, aasikasuhin na rin ni Regine ang promotions ng kanyang Regine At The Movies concert series sa KIA Theater on November 17, 24 & 25.
Haharap nga sa entertainment press si Regine para sa Regine At The Movies.
And in fairness sa maraming mga nakasama niya noong nasa GMA 7 pa siya, marami sa kanila ang manonood daw ng concert series na ‘yon.
Fashion designers maingat sa pagpapahiram ng gown
Marami pa ring fashion designers na nagpapahiram ng mga gown sa ilang celebrities.
Pero karamihan pala sa kanila ang isa sa rules and regulations ay kailangang ibalik sa kanila ang gown ng matino at napa-dry clean na (ang iba sa kanila, may preferred dry cleaner).
May isang fashion designer ako na nakatsikahan na hindi na niya type pahiramin ng gown ang isang aktres na feeling sikat dahil shocked daw siya na ni hindi man lang ipina-dry clean ang gown na hiniram sa kanya para sa isang big event.
Actually, sabi ni fashion designer, ang stylist naman daw ni feeling sikat na aktres ang humiram ng gown na ‘yon, kaya sabit din ito sa pagkaimbiyerna niya.
“Hindi na siya makakapag-pull-out ng gowns sa akin!” sey ni fashion designer tungkol kay stylist.
Naku, baka hindi naman alam ni feeling sikat na aktres ang ginawa ng kanyang stylist at kinupit ang budget niya sa dry cleaning, ‘noh?!
Well…
Marian forever loyal kay Bambbi
Alam mo, Ateng Salve, ang kaibigan pala nating beauty guru na si Bambbi Fuentes, sobrang tuwang-tuwa kay Marian Rivera. Ang tagal na rin kasing loyalista ni Marian sa salon ni Bambbi sa Timog Avenue, Quezon City.
Hindi pa sikat si Marian ay nagpapagawa na ito sa salon ni Bambbi at kahit sumika’t nagkapera na, hindi pa rin niya iniwan si Bambbi, huh!
Saka hindi raw demanding si Marian. Kahit hindi puwede minsan si Bambbi na gumawa sa kanya at isa sa beauticians ni Bambbi ang ipinadadala niya sa actress/TV host, wala raw problema kay Marian.
“Kaya love ko si Yan,” sabi ni Bambbi.
Bae Tommy may negosyong palamig
Bongga naman ang Eat Bulaga’s That’s My Bae member na si Tommy Peñaflor.
May business na pala siya sa Broadway Centrum.
Sa baba ng studio ng Eat Bulaga, may puwesto siya ng lemonade drinks.
After ng Eat Bulaga, bumababa pa siya para tumulong sa pagbebenta.
In fairness, nakakatulong naman na nakikita siya roon ng mga fan ng Eat Bulaga dahil maraming bumibili talaga.
At least, kahit may work pa siya sa Eat Bulaga, business-minded na itong si Tommy kaya may extra income siya!
- Latest