Utang ng mga indie films sa FDCP, kailangang singilin!
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - July 26, 2018 - 12:00am

Linawin nating mabuti ang usapan. Walang bintang na pagnanakaw. Walang sinasabing anomalya. Ang sinasabi lamang ng Commission on Audit sa kanilang report, may dalawampu’t limang milyong piso ang nawala sa gobyerno dahil sa mga indie film festivals at pautang na ginawa ng Film Development Council of the Philippines para sa mga indie films na hindi naman nila masingil dahil nag-flop, at may mga director ding kumuha ng pera pero hindi naman natapos ang ginagawang pelikula.

Lumalabas na hindi na masingil dahil hindi nga kumita ang mga pelikula, iyong halagang P17,220,800.19. Mayroon namang pautang na 7,048,371.95 piso sa mga director na hindi nakatapos ng kanilang ginagawang pelikula. Iyan ay pera ng bayan. Papaano nga ba maibabalik iyan sa kaban para pakinabangan ng bayan?

Sa panahong ito na ang bayan ay naiinis dahil sa pagtaas ng lahat ng presyo ng bilihin at bayarin dahil sa Train law, na naglalayong kumolekta ng higit na malaking buwis para tustusan ang programa ng pamahalaan, tapos makakarinig ng ganyan kalaking perang natapon dahil sa mga pelikulang indie, aba eh talagang magagalit ka.

Siguro may magandang intensiyon, ang tulungan ang gu­magawa ng maliliit na pelikula. Pero nagkaroon nga siguro ng maling desisyon dahil hindi nila inisip kung papaano mababawi ang pera mula sa kaban ng bayan. Hindi puwedeng dole out. Hindi puwedeng limos na lang iyan sa mga gumagawa ng pelikulang ayaw namang tangkilikin ng mga tao. Ang gobyerno at ang FDCP ay hindi naman isang charitable institution kagaya ng Caritas, o isang welfare agency kagaya ng DSWD. Hindi iyan isang bakang gatasan ng puhunan ng mga pelikulang hindi naman makakuha ng audience. Ipapadala nila iyan sa abroad, ipinagmamalaki nilang nanalo ng awards, pero ang mga pelikula bang iyan ay nakakuha ng bookings sa international theatre circuits? May kinikita ba sa pagsali sa mga festivals na iyan?

Hindi namin sila sinisisi, pero ang problema ay ang kakulangan sa karanasan. Noong araw pa ay ganyan na ang sitwasyon, noong pinatatakbo pa ni Ben Pinga ang Film Institute of the Philippines. Gumagawa sila ng mga documentaries at short films, isinasali sa mga festival sa abroad, pero hanggang sali lang sila dahil walang market para sa ganung pelikula. Pero anuman ang gawin ni Ben Pinga noon, walang may pakialam dahil isang pribadong samahan ang Film Institute of the Philippines. Hindi iyan gumagamit ng pera ng gobyerno. Namatay na si Mr. Pinga, nawala na ang FIP, walang nangyari.

Si Lino Brocka ay nagpilit na makarating sa film festivals sa abroad. Wala rin siyang pelikulang nailabas sa commercial theatre circuits doon. Maging ang itinuturing na henyong si Akira Kurosawa ng Japan, wala ring pelikulang nakapasok sa commercial theatre circuits. Papaano sila kikita para mabawi ang malaking puhunan sa pelikula?

Babaratin mo ngayon, gagawa ka ng indie. Ano ang chances niyan laban sa mga pelikulang dayuhan na milyong dolyar ang puhunan sa isang pelikula?

Dapat ang gawin natin ay mga pelikulang dito sa ating bansa kikita na para mabawi ang puhunan, at saka na natin isipin iyang abroad. At least may puhunan ka na, hindi iyang ganyan na aasa ka sa gobyerno, gagastusin mo ang pera ng bayan, tapos ni hindi mo maisasauli at kung nagkakasingilan na ay magkakamot na lang tayo ng ulo at sasabihing, “hindi na masingil dahil nag-flop kasi.”

Iyan ang mga bagay na dapat nating isipin kung gusto nating talagang buhaying muli at patatagin ang industriya ng pelikulang Pilipino. Kung gusto nilang  baguhin ang sistema, mawawala ang industriyang ito at sa pagdating ng araw, sila ang sisisihing may kasalanan.

FDCP
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with