Ate Vi gustong makasama si Daniel!
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pang-masa) - October 21, 2017 - 4:00pm

Hiniling ni Congresswoman Vilma Santos na panoorin namin ang taping ng tribute na ibi­nigay sa kanya ng morning show na Magandang Buhay. Para iyon sa kanyang “34th” birthday, kaya ibig sabihin ilalabas iyon ng dalawang magkasunod na araw, sa November 2 at 3.

Ang haba pala ng taping ng show nila. Nagsimula iyon ng alas-dos at halos alas-siyete na ng gabi natapos, pero lahat ay masayang-masaya sa naging takbo ng show.

At sa kalagitnaan ng show, biglang lu­mabas ang magkapatid na dancers na sina Jo­shua at Jayson Zamora, at inim­bitahang sumayaw si Ate Vi. Biglaan eh, naghanap talaga sila ng rubber shoes dahil mahirap nga namang sumayaw si Ate Vi nang naka-heels pa. Noong makakita ng rubber shoes, bumanat na rin ng sayaw si Ate Vi, at hangang-hanga sila dahil nasabayan niya ang dalawang dan­cers kahit na walang rehearsals, at tumagal ng halos limang minuto ang dance number na iyon. Nagkakantiyawan pagkatapos ang mga host na sina Jolina Magdangal, Melai Cantiveros at Karla Estrada. Parang hindi man lang napagod si Ate Vi sa nasabing dance number. “Iyon kasi talaga ang exercise ko,” katwiran ng Star For All Seasons.

Hindi lang naman ang birthday ni Ate Vi ang talagang cine-celebrate sa darating na November, bagama’t iyon lang ang nasabi sa Magandang Buhay. 

Hindi nga siguro sila aware na ngayon ay bale 55 years na rin sa showbusiness si Ate Vi.

Ang daming stars na nagdaan at bumati kay Ate Vi sa show, kabilang na si Charo Santos Concio, na nasa kabilang studio raw dahil sa taping ng kanyang show, at nang malaman na naroroon si Ate Vi, hindi niya pinalampas ang pagkakataon at su­milip sa show, sabay sabing “Vilmanian kasi ako”.                    

Pero ang nakatawag ng pansin namin ay iyong usapan nila ni Xian Lim. Inamin ng actor na noong makasama niya si Ate Vi sa Everything About Her, akala niya hindi na ito matutuloy, dahil iyon ang panahong kabi-kabila ang paninira sa kanya. 

Inaakusahang unprofessional si Xian, mayabang at kung anu-ano pa. Pero nagulat daw siya nang sabihin sa kanyang pumayag si Ate Vi na sa kanya ibigay ang role.

Inamin din niya ang matinding nerbyos sa simula, pero nang nagtatagal, ang tingin niya kay Ate Vi ay parang tunay na nanay na niya, na nagbibigay sa kanya ng payo. Inamin din niya na noon ay iniisip niyang umalis na sa showbiz, pero nang sabihin sa kanya ni Ate Vi na “huwag, ayusin mo lang ang lahat”, lumakas daw ang kanyang loob na magpatuloy pa.

Binigyan din niya ng payo sina Jolina, Karla at Melai tungkol sa pagpapalaki sa kanilang mga anak. Inamin din ni Ate Vi na minsan ay nagrebelde rin naman siya sa kanyang mga magulang. Kaya nga binilinan pa niya si Karla na alagaang mabuti si Daniel Padilla, na sinabi rin niyang gusto niyang makasama sa isang pelikula in the future.

Binuksan din ni Ate Vi ang naging takbo ng kanyang lovelife. Ano ang kanyang naging mga frustrations noong araw, at kung papaano nailagay sa ayos ang kanyang personal na buhay. Umamin din naman siyang may panahong hindi maganda ang kanyang career, at kung papaano siya nakabawi.

Sa pagtatapos, binigyan nina Karla, Melai at Jolina ng isang trophy si Ate Vi, na tinawag nilang “Momshie For All Seasons”. Sigawan naman ang tuwang-tuwang mga nasa audience, at take note, noong iabot nila ang trophy kay Ate Vi, wala siyang ka-tie.

 

 

 

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with