Ginger (74)
‘‘MERON pa bang dapat ayusing mga papeles sa pagkamatay ng papa mo, Ginger?’’ tanong ni Anton sa namimighating si Ginger. Nasa waiting area sila.
‘‘Inaayos na ng brother ko, Anton.’’
“Paano ang funeral?’’
“Inaayos na rin ng brother ko. Sabi ko, hindi ako makakakilos para tulungan siya dahil hindi ako makapaniwala na wala na si Papa.’’
“Nauunawaan kita, Ginger. Kung may maitutulong ako sabihin mo—huwag kang mahihiya. Kung kailangan mo ng financial help, tell me. Huwag kang mahihiya. Handa kitang tulungan at hindi kita iiwanan. Sabihin mo lang sa akin, Ginger.’’
Tumango si Ginger at muling nakalog ang mga balikat dahil sa pag-iyak. Awang-awa si Anton sa nobya. Damang-dama niya ang paghihirap ng loob ni Ginger. Mahal na mahal kasi nito ang namayapang ama. Natatandaan niyang sinabi ni Ginger sa kanya noon na tuwang-tuwa raw ang papa nito nang matanggap siya sa trabaho. Sabi ni Ginger, pinagmamalaki raw siya ng kanyang papa at ipinamamalita sa mga kaibigan at kamag-anak na sa isang mahusay at malaking kompanya siya nagtatrabaho. Kapag may nakakakuwentuhan umano ang papa ni Ginger, hindi maaaring hindi ipagmalaki nito ang pinagtatrabahuhan ng anak.
‘‘Anong tulong ang magagawa ko Ginger? Sabihin mo. Gagawin ko para sa iyo.’’
Tumunghay si Ginger. Basang-basa ng luha ang mga mata.
‘‘Tulungan mo akong magpaliwanag kay Mama sa nangyari kay Papa. Baka hindi ko kayang sabihin kay Mama na wala na si Papa. Paano ang gagawin kong pagpapaliwanag, Anton?’’
Hindi nakapagsalita si Anton. Hindi pa pala alam ng mama ni Ginger na pumanaw na ang asawa.
‘‘Ako ang magpapaliwanag sa kanya, Ginger. Tutulungan kita. Ako ang bahala.’’
“Natatakot kasi ako Anton, dahil may sakit din sa puso si Mama. Baka kung ano ang mangyari sa kanya kapag nalaman na wala na si Papa.’’
Napabuntunghininga si Anton.
(Itutuloy)
- Latest