Ang ika-13 babae sa kanyang buhay (122)
NAKITA ni Reagan ang papa ni Mira na nasa wheelchair at walang kakilos-kilos at parang wala nang buhay. Maputla.
Iyak naman nang iyak si Mira.
Nilapitan ni Reagan ang papa ni Mira at sinalat ang bahaging may taynga. Inalam kung may pulso. Tumitibok pa.
“Buhay pa ang papa mo. Ihanda mo ang mga gamit niya at dadalhjin natin sa ospital. Kukunin ko ang sasakyan sa garahe. Huwag kang mag-panic dahil buhay pa siya.’’
“Opo Mang Reagan.’’
Nagmamadaling lumabas sa bahay si Reagan. Nagmamadaling umakyat sa pader at pumakabila sa kanyang bakuran. Tinungo ang garahe at pinaandar ang Navara.
Tinungo niya ang harap ng bahay nina Mira.
Pagkatapos iparada ang sasakyan, mabilis na bumaba at tinungo ang bahay nina Mira.
Nakahanda na si Mira. Nasa isang bag na ang mga gamit ng ama. Naka-jeans at shirt na si Mira. Kanina ang suot ay manipis na daster.
‘‘Tayo na Mira,’’ sabi niya at itinulak ang wheelchair palabas ng bahay. Tinungo ang sasakyan. Binuksan ang pinto sa passengers seat at binuhat ang papa ni Mira. Inihiga sa upuan.
“Alalayan mo siya Mira.’’
“Opo Mang Reagan.’’
Sumakay si Mira.
Mabilis na tiniklop ni Reagan ang wheelchair at ikinarga sa likod ng sasakyan.
Saka nagmamadaling sumakay at mabilis na pinatakbo ang sasakyan patungong ospital.
(Itutuloy)
- Latest