^

Punto Mo

Face shield banta rin sa kapaligiran

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

SANA, makatulong din laban sa plastic pollution ang bagong patakaran ng pamahalaan na puwede nang huwag magsuot ng face shield  kapag nasa labas ng bahay o sa mga open areas o mga kalsada bagaman inoobligahan pa rin ang pagsusuot nito sa mga closed spaces tulad ng mga groceries, supermarket, restaurant, botika, opisina,  ospital, klinika  at iba pang kulob na lugar.

Bigla nga raw nagbagsakan ang presyo ng mga face shield sa mga tindahan sa Divisoria dahil sa inilabas na patakaran. Gayunman, magpapatuloy ang pagsusuot ng face mask para tuluyang masugpo ang pagkalat ng coronavirus disease.

Isa sa inaasahang negatibong epekto ng pagsusuot ng plastic na  face shield ang pagdagdag nito sa mga basurang plastik na matagal nang pumipinsala sa ating kapaligiran lalo na sa ating mga ilog at karagatan. Natatapon na lang kasi ang mga ganitong face shield pagkaraan ng ilang gamitan.

Bukod pa ang face shield na ito sa mga malalaking  plastik na ginagamit na pananggalang sa virus sa maraming establisimento tulad sa mga botika, supermarket, ospital, pribado at pampublikong opisina, restawran, at pampublikong mga sasakyan  mula nang sumiklab ang pandemya. Isipin na lang ang dami ng mga plastik na ito na magiging basura na lang matapos gamitin.

Napaulat kamakailan na kabilang ang mga face mask at face shield sa mga basurang nakolekta sa mga karagatan sa Pilipinas sa nagdaang paggunita sa World Cleanup Day. Umaabot sa 150 kilogram na basura ang nalikom sa Legazpi City, Albay at kabilang ang mga face mask sa mga nadampot sa tabing-dagat ng Subic Bay Freeport Zone. Naireklamo rin ang dami ng mga basurang face mask sa baybayin ng Tingloy, Batangas. Maliliit na lugar pa lang ito. Paano na sa mga karagatan sa iba pang bahagi ng Pilipinas.

Isa pa sa tinatamaan ng masamang epekto ng plastic pollution ang mga karagatan. Sinasabing ang mga karagatan ang huling tumatanggap ng mga basurang nagmumula sa kalupaan. Milyun-milyong toneladang basura ang nauuwi sa mga karagatan sa buong mundo taun-taon at karamihan sa mga ito ay mga basurang plastik. Natukoy sa isang pag-aaral na 44 porsiyento ng mga basurang plastik  sa mga ilog at karagatan ay mga bag, bote at mga item na may kaugnayan sa takeout meals.

Sinasakal at pinapatay  din ng mga basurang plastik  ang mga lamandagat. Lumalabas nga sa ilang pananaliksik ang mga plastik na natatagpuan sa tiyan ng ilang nahuhuling mga isda. Nakakamatay din sa mga isda ang nakakain nilang mga pirasong plastik na basura na napapagkamalan nilang pagkain.  Sinasabing lahat ng uri ng mga lamandagat tulad ng maliliit na zooplankton, large cetaceans, karamihan ng mga seabird at lahat ng marine turtle ay nakakalulon ng mga pirasong plastic at basurang bagay tulad ng cigarette lighter, plastic bag, at bottle cap.

Maging sa kalupaan din ay mapaminsala ang mga plastik na basura  na mahabang panahon ang kailangang dumaan bago tuluyang matunaw. Nagdudulot ng malaking baha ang mga basurang ito kapag bumabara sa mga kanal at ilog at ibang daanan ng tubig.

Kaya nga, nakakatulong man ang mga plastic na face shield sa pagsawata ng pagkalat ng Covid-19, masama naman ang epekto nito sa ating kapaligiran dahil dumadagdag lang siya sa mga basurang nagdudulot ng plastic pollution.

Email: [email protected]

vuukle comment

FACE SHIELD

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with