^

Punto Mo

Quitclaim na pinapapirmahan, legal ba?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

Dahil nalulugi na po ang kompanyang pinapasukan ko ay nag-alok sila ng severance package pero kailangan naming pumirma ng quitclaim kung tatanggapin daw namin ito. Legal po ba ang pagpapapirma nila ng quitclaim? Paano po kung kulang pala ang severance package na natanggap namin, may habol pa ba kami kahit pumirma na kami ng quitclaim? —Leslie

Dear Leslie,

Kadalasan, hindi sinasang-ayunan ng batas ang pagpapapirma ng mga quitclaim o waiver at hindi ito kinikilala kapag naipakita na (1) may malinaw na pruwebang naloko o naisahan ang pumirma nito at (2) hindi patas ang naging kasunduan [Hanjin Heavy Industries and Construction Co. Ltd v. Ibañez, 578 Phil. 497, 517-518 (2008)].

Hindi naman ibig sabihin nito na lahat na lang ng quitclaim ay ilegal at wala nang bisa. Kikilalanin naman ang quitclaim basta ito ay (1) boluntaryong ginawa o pinirmahan ng empleyado; (2) wala itong bahid ng panlilinlang o panloloko mula sa anumang panig, mapa-employer man o empleyado; (3) ang konsiderasyon o ang kapalit para  sa pagpirma ng quitclaim ay sapat at makatwiran; at (4) hindi ito labag sa batas, sa pampublikong kaayusan, sa moralidad, o sa karapatan ng ibang tao [Goodrich Manufacturing Corp. v. Ativo, 625 Phil. 102, 107 (2010)].

Sa madaling sabi, legal naman ang pagpapapirma ng quitclaim basta boluntaryo ito at patas para sa lahat ng panig. Ang maipapayo ko, tingnan mo muna ang mga kondisyon na kaakibat ng quitclaim. Kung patas naman ang quitclaim at walang magiging pagkukulang sa mga dapat matanggap ninyo ay walang dapat problema.

Kung sakali namang kulang pala ang ibinigay sa inyo, hindi naman magiging hadlang ang quitclaim sa pagsasampa ng reklamo. Papanigan pa rin kayo ng NLRC o ng korte kung mapatunayan n’yo na kulang ang natanggap ninyo sa kabila ng quitclaim na pinirmahan n’yo dahil nga para magkaroon ng bisa ang quitclaim, sapat dapat at makatwiran ang naging kapalit ng inyong pagpirma.         

 

vuukle comment

CASE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with