Kampanya vs ‘wang-wang’, palalakasin — PNP
MANILA, Philippines — Paiigtingin muli ng pambansang pulisya ang kampanya laban sa illegal na paggamit ng ‘wang-wang,’ ‘blinkers,’ at iba pang emergency devices sa mga sasakyan.
Sinabi ni Police Maj. Gen. Val de Leon, director for operations, may utos na si PNP OIC Vicente Danao Jr., sa Highway Patrol Group para hulihin ang mga ilegal na gumagamit ng wang-wang at blinkers.
Pagdidiin ni De Leon, kailangan na maipatupad ang batas at ipinagbabawal ang paggamit ng siren, blinkers at iba pang emergency devices sa mga pribadong sasakyan.
Unang pinuna ni Sen. JV Ejercito ang pagdami muli ng mga gumagamit ng ‘wang-wang’ para makalusot sa trapiko at sinegundahan naman siya ni Sen. Win Gatchalian.
Magugunita na ipinagbawal ito ng yumaong Pangulong Noynoy Aquino at unti-unting sinamantala sa administrasyong-Duterte.
Nakasaad sa Presidential Decree No. 96, ang mga blinkers o wangwang ay pinapahintulutan lamang sa Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, Land Transportation Office, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at mga ambulansiya.
Umapela si De Leon sa mga may-ari ng sasakyan na tanggalin na ang mga wangwang at blinkers dahil hindi nila papayagan ang mga ito na labagin ang batas.
Makikipag-ugnayan ang PNP-HPG sa Land Transportation Office, Metropolitan Manila Development Authority at mga local government units (LGUs) sa pamamagitan ng kanilang traffic enforcement bureaus upang sabay-sabay at tuluy-tuloy ang implementasyon nito sa buong bansa.
- Latest