COVID-19 positivity rate sumirit sa 6.8%
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Department of Health (DOH) na sumirit sa 6.8% ang lingguhang COVID-19 positivity rate ng Pilipinas, habang anim na rehiyon ang nagtala ng positivity rate na higit sa 5%.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19, mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na na-test sa sakit.
Base sa COVID-19 national situationer na inilabas ng DOH nitong Martes ng gabi, hanggang noong Hulyo 3, ang National Capital Region (NCR) pa rin ang nakapagtala ng pinakamataas na weekly positivity rate na pumalo sa 9.3%.
Ang iba pang rehiyon sa bansa na lumampas na rin sa 5% benchmark ng World Health Organization (WHO) ay ang Calabarzon na may 8.4%, Western Visayas na may 7.1%, Mimaropa na may 6.4%, Cordillera Administrative Region na may 5.5%, at Central Luzon na may 5.4%.
Mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 4, naitala ang average case sa bansa sa 1,103 kaso kada araw.
Tiniyak ng DOH na ang Pilipinas at ang lahat ng rehiyon ay nananatiling nasa low risk case classification pa rin sa COVID-19.
- Latest