Marcos camp sa Robredo NGO: ’Karapatan ng lahat na mag-organisa’
MANILA, Philippines — Dahil sa bahagi ng isang malayang demokrasya ay hindi hahadlangan ng kampo ni presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.,ang plano ni Vice President Leni Robredo na maglunsad ng Non-Government Organization (NGO).
Ayon kay Atty.Vic Rodriguez, spokesman at Chief of Staff ni Marcos, maaaring maglunsad ng NGO si Robredo basta’t tumatalima ito sa itinatadhana ng batas.
Magugunita na inianunsyo ni Robredo ang plano ng kaniyang opisina na maglunsad ng “Angat Buhay Program”, isang pinakamalawak na volunteer center sa bansa upang makapagbahagi ng tulong sa mga Pilipinong nangangailangan.
Ilulunsad ni Leni ang ‘Angat Buhay’ kasabay ng pag-upo sa puwesto ni BBM bilang ika-17th Pangulo ng Pilipinas.
Sinabi ni Robredo na hindi sila mamimili ng tutulungan, walang tatalikuran at ipamamalas ang buong puwersa ng radikal na pagmamahal.
Si Marcos ay nakakuha ng 31.1M boto kumpara kay Robredo na nasa 14.8M lang.
- Latest