‘Stealth Omicron’ nasa Pinas na - DOH
MANILA, Philippines — Natukoy na sa Pilipinas ang BA.1 at BA.2 o ang Stealth Omicron, dalawang sub-lineages ng mas nakahahawang Omicron coronavirus variant.
Paliwanag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang BA.1 ay ‘most common’ sa returning overseas Filipinos at Region V habang BA.2 naman ang pinakamadalas sa local cases sa bawat rehiyon.
“Sa ngayon kailangan natin maipaalala at tandaan ang ating mga kababayan, walang nakitang clinical difference sa BA.1 at BA.2,” dagdag pa ni Vergeire.
Tinagurian ang naturang sublineage na ‘Stealth Omicron’ dahil sa katangian nito na mas mahirap matukoy kahit gamit ang ‘gold standard’ na RT-PCR testing.
“Kinakailangan pa rin po ng masusing pag-aaral dahil limitado pa rin ang ating mga obserbasyon na nakukuha dito.”
Kaya naniniwala ang mga eksperto na maaaring mas mabilis itong kumakalat sa buong mundo ng hindi napapansin ng mga health experts.
- Latest