Boarder ng Pinas dapat pinahihigpitan
Dahil sa banta ng Omicron
MANILA, Philippines — Iginiit ng OCTA Group ang matinding paghihigpit sa mga boarder ng bansa at pagpapatupad ng mas mahabang quarantine bilang hakbangin sa banta ng COVID-19 Omicron variant.
Ayon kay OCTA Research fellow Guido David bagama’t hindi pa natitiyak ang posibleng pagpasok ng naturang virus sa ating bansa ay mas mainam na maagap ang pamahalaan upang makaiwas sa pagsibol ng bagong variant.
“Dahil mataas ang level ng uncertainty mas maganda mas istrikto implementation natin at least sa mga borders, quarantine,” sabi ni David.
Sa ngayon ay may travel ban ang Pilipinas sa 14 bansa dahil sa banta ng Omicron variant, kabilang na ang South Africa na sinasabing pinagmulan ng virus.
“Naiintindihan natin ang pangamba ng mga kababayan natin kasi ngayon ang ganda na ng kalagayan ng Pilipinas, ito na ang pinakamaganda since June pa last year nung nagsisimula pa lang ‘yung first surge natin,” sabi pa ni David.
“Kung ’di natin magagawa ang travel ban, baka pwedeng mas mahigpit na lang ang quarantine natin especially sa mga unvaccinated. Dapat talaga buo ‘yung 10 to 14 days pag unvaccinated,” dagdag ni David.
Sa ngayon ay may 38 bansa ang may kaso ng Omicron variant.
Muli ay pinaalala ni David sa mamamayan na sundin ang minimum public health standards at ipagpatuloy ang testing, contact tracing at border controls sa bansa para makaiwas sa pagtaas na naman ng kaso ng Covid-19.
- Latest