Choosy sa bakuna inalok ni Duterte ng anti-rabies
MANILA, Philippines — Bakuna na anti-rabies ang alok ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mga mamamayan na namimili ng bakuna laban sa COVID-19.
Sinabi ni Duterte na ang mga mamimili ng bakuna ay maaaring subukan ang anti-rabies dahil marami siyang stock.
“Ngayon, kung subukan ninyo --- ayaw ninyo ng bakuna, anti-rabies marami akong stock diyan ngayon. ‘Pag may rabies epidemic doon sa lugar ninyo, eh ‘di ‘yun na lang ang ipadala ko,” ani Duterte.
Ayon kay Duterte, hindi na dapat namimili ng tatak ng bakuna dahil “okay” naman ang lahat na ibinibigay sa mga mamamayan.
“Walang --- huwag kayong mamili kasi talagang ito namang lahat bakuna, okay ito. I mean, they are all with, you know…,” ani Duterte.
Iginiit muli ni Duterte na epektibo ang lahat ng uri ng bakuna laban sa COVID-19 kahit na ang mga galing sa China.
“Ayaw ninyo ng bakuna ng ano eh ‘di... Huwag kayong mamili kasi sinabi ko lahat ‘yan may bisa. Baka ayaw ninyo ng mga China-China. Ngayon gusto ninyo Sinopharm kasi nag-Sinopharm kaming lahat dito. Kami nga ang huli eh,” ani Duterte.
Idinagdag ni Duterte na kung hindi epektibo ang ibinibigay na bakuna sa mga mamamayan ay dapat mas marami na ang patay dahil sa virus.
- Latest