Nagpositibo sa rapid antigen test isasama sa bilang ng COVID-19 case
MANILA, Philippines — Binabalak ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na isama na sa bilang ng mga kaso ng COViD-19 ang mga nagpositibo gamit ang rapid antigen test.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, pero agad ding nilinaw na dadaan pa rin sa confirmatory test ang mga lalabas na positibo sa rapid antigen test.
“‘Yan po ang ating objective ‘no para maging mas mabuti iyong picture natin kung ilan ang total cases natin ‘no; pero siyempre iyong mga positibo, subject pa rin po ‘yan for confirmatory tests,” ani Roque.
Ayon sa Malacañang, nauna nang ipinag-utos ng IATF na i-monitor ang alokasyon at paggamit ng mga rapid antigen kits upang matiyak na tama ang reporting ng kaso ng COVID-19.
“Inatasan din ng inyong IATF ang kanilang Regional IATF Task Force na i-monitor ang allocation at utilization ng rapid antigen test para ma-improve ang reporting ng COVID-19 cases,” ani Roque.
Sinabi rin ni Roque na inatasan ang Department of Health-National Capital Region for Health Development na pangunahan ang registration ng mga gumagamit ng mga rapid antigen kits.
Dapat aniyang tiyakin na ang mga antigen line test ay makakasama sa monitoring ng mga local government units.
- Latest