PNP Camps inialok gawing vaccination sites sa minors
MANILA, Philippines — Inialok kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang mga kampo ng PNP para gawing vaccination sites sa mga kabataang nagkakaedad 12-17 anyos partikular na ang mga dependents ng mga pulis.
Sa kasalukuyan, puspusan ang paghahanda ng pamahalaan sa pangunguna ng National Task Force Against COVID- 19 na pinamumunuan ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. sa inoculation program sa nasabing age bracket ng mga kabataan sa bansa.
Ang planong pagbabakuna sa 12-17 anyos na populasyon ay sa gitna na rin ng panawagan na magsagawa na ng face-to-face classes ang mga estudyante kaugnay ng unti-unting pagbabalik sa normal ng sitwasyon bunga ng matinding epekto ng COVID 19 pandemic.
Nabatid na patuloy ang pagdating ng mga bakuna laban sa COVID-19 kaya pinaplano na rin ng gobyerno na bakunahan laban sa virus ang 12-17 anyos kung saan ilang Local Government Units (LGUs) ang sinimulan na ring ang pagpapatala sa mga menor-de-edad.
“Ngayong halos patapos na ang vaccination sa aming hanay, inatasan ko na ang aming Administrative Support for COVID-19 Task Force (ASCOTF) sa pamumuno ni PLTGEN Joselito Vera Cruz na maghanda sa pamamagitan ng pag-umpisa ng paglilista ng mga 12-17 years old dependents ng aming uniformed at civilian personnel,” ayon kay Eleazar.
Ipinaliwanag ni Eleazar na ang paggamit ng PNP camps at iba pang mga pasilidad para sa 12-17 anyos na mga dependents ng mga PNP personnels ay bilang bahagi ng tulong ng kapulisan sa mga Local Government Units para tiyakin ang kaligtasan ng naturang mga menor-de-edad sa mga vaccination sites at upang hindi magsiksikan sa mga lugar ng bakunahan.
- Latest