Gilas determinado vs India
MANILA, Philippines — Pilay man ang line-up ay determinado pa rin ang Gilas Pilipinas na makaulit sa India sa third window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sisiklab ang aksyon ngayong alas-7 ng gabi (Manila time) para sa pagkakataon ng Nationals na mapanatili ang pagdomina sa India at maipagpag ang kabiguan sa New Zealand.
Dumayo ang Gilas sa Auckland noong Huwebes subalit nabulaga ng 60-106 kabiguan sa mga Tall Blacks (4-0) at nalaglag sa 1-2 kartada sa Group A.
Kontra sa India ay hindi magpapadaig ang mga bataan ni coach Nenad Vucinic kahit walang kasiguruhan ang paglalaro ni big man Carl Tamayo.
Nadale ng right ankle injury si Tamayo kontra sa New Zealand na lalong pumilay sa 11-man Gilas roster na iniinda ang pagkawala ni injured naturalized center Ange Kouame (meniscal sprain at partial ACL tear).
“It will be difficult but we don’t want excuses. We want to try to have a good game and have a chance to win against India,” pangako ni Vucinic.
Makakasama ni Kiefer Ravena sina RJ Abarrientos, SJ Belangel, Rhenz Abando, Geo Chiu, Lebron Lopez, William Navarro, Kevin Quiambao, Dwight Ramos at Dave Ildefonso.
Bagama’t undermanned at undersized dagdag pa ang bagitong koponan sa kawalan ng mga PBA reinforcements ay sasandal ang Gilas sa homecourt advantage.
Nauna nang umiskor ng 88-64 panalo ang Gilas kontra India, may 0-3 kartada, sa Smart Araneta Coliseum noong Pebrero.
- Latest