SLP-BEST hataw pa sa Singapore
MANILA, Philippines — Tuloy ang matikas na kamada ng Swim League Philippines-Behrouz Elite Swimming Team (SLP-BEST) matapos magningning ang iba pang Pinoy tankers sa 17th Singapore National Swimming Championships 2022 na ginaganap sa OCBC Aquatic Center sa Singapore.
Bumandera sa ratsada ng SLP-BEST sina Peter Dean at Julian De Kam matapos manguna sa kani-kanyang dibisyon.
Namayagpag si Dean sa boys’ 15-year 200m backstroke Final C matapos magtala ng dalawang minuto at 21.79 segundo.
Nangibabaw naman si De Kam sa boys’ 15-year 400m freestyle Final B kung saan nagrehistro ito ng apat na minuto at 24.61 segundo.
Pumangalawa naman si John Neil Paderes sa boys’ 20-year 200m backstroke Final B sa bilis na 2:13.97 habang ikalawa rin si Geoffrey Liberato sa boys’ 20-year 50m breaststroke Final B bunsod ng naitala nitong 30.85 segundo.
Nasa ikapitong puwesto naman si Jules Merview Mirandilla sa boys’ 20-year 100m butterfly Final A tangan ang 56.20 segundo.
“We really happy to swim side by side with some of the region’s best swimmers. It really motivates our young swimmers to be competing against strong teams,” ani SLP-BEST head coach Virgilio de Luna.
Target ng SLP-BEST na suportado ng Behrouz Elite Swimming Team na magarbong tapusin ang kampanya nito sa huling araw ng kumpetisyon.
- Latest