Para sa 3rd Window ng qualifiers Gilas line-up ‘di binago
MANILA, Philippines — Parehong roster ang ipaparada ng Gilas Pilipinas men’s team sa third window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa New Zealand at dito sa Pilipinas sa susunod na linggo.
Bagama’t wala pa rin si naturalized player Ange Kouame dahil sa injury nito, palabang 11-man Nationals dagdag si Dave Ildefonso ang sasalang sa dalawang laro kontra sa New Zealand at India.
Hindi nakalaro si Ildefonso dahil sa ankle injury sa dalawang tune-up games kontra South Korea noong nakaraang linggo pati na si Kouame dahil sa meniscal sprain at partial ACL tear.
Hindi pa rin makakalaro si Kouame habang puwede na si Ildefonso sa pagsabak ng Gilas kontra sa New Zealand sa Eventfinda Stadium sa Auckland, New Zealand at kontra sa India sa MOA Arena sa Hulyo 3.
Makakasama ni Ildefonso sina RJ Abarrientos, SJ Belangel, Rhenz Abando, Geo Chiu, Lebron Lopez, William Navarro, Kevin Quiambao, Dwight Ramos, Carl Tamayo at Kiefer Ravena na magsisilbing team captain.
May 1-1 kartada ang Gilas sa Group A ng Asian Qualifiers at hangaring makabawi sa New Zealand (3-0) matapos ang 63-88 pagkatalo sa second window sa Smart-Araneta Coliseum.
Sa parehong window ay tinalo ng Gilas ang India, 88-64, na balak nilang maulit sa rematch.
Sa mismong 2023 FIBA World Cup ay pasok na ang Gilas bilang main host at itinuturing nalang na preparasyon ang Qualifiers.
- Latest