Warriors kumakaway na sa NBA Finals
DALLAS — Humataw si Stephen Curry ng 31 points kasama ang limang triples para pamunuan ang Golden State Warriors sa 109-100 paggupo sa Mavericks sa Game Three at makalapit sa sweep sa Western Conference finals.
Umiskor si Andrew Wiggins ng 27 markers kasama ang slam dunk kay Dallas superstar Luka Doncic para sa 3-0 bentahe ng Golden State sa kanilang best of-seven series.
Nagdagdag si Klay Thompson ng 19 points at may tig-10 markers sina Draymond Green at Jordan Poole.
Maaari nang walisin ng Warriors ang Mavericks sa Game Four bukas para sa kanilang pagbabalik sa NBA Finals.
Wala pang nakakabalik mula sa 0-3 deficit sa NBA playoff series.
Nagtala si Doncic ng 40 points at 11 rebounds sa panig ng Dallas at may 26 at 20 markers sina Spencer Dinwiddie at guard Jalen Brunso, ayon sa pagkakasunod.
Hindi naman nakaiskor sina long-range specialists Reggie Bul-lock at Maxi Kleber na naimintis ang pinagsama nilang 12 tangka sa 3-point range.
Mula sa 48-47 halftime lead ay kumamada ang Golden State ng 30 points, ang 11 rito ay galing kay Curry, sa third quarter para magposte ng double-digit lead.
Nakadikit ang Mavericks sa 99-104 agwat buhat sa magkasunod na tres nina Doncic at Spencer Dinwiddie sa huling minuto ng fourth period bago magsalpak ng krusyal na tres si Poole para muling ilayo ang Warriors sa 107-99 sa natitirang 54.2 segundo.
- Latest