Diaz napanatili ang SEAG crown golden lift!
MANILA, Philippines — Tatlong gold medals ang inangkin ng Pilipinas sa pagpapalakas sa tsansa sa No. 3 spot sa medal standings ng 31st Southeast Asian Games kahapon sa Hanoi, Vietnam.
Ito ang idinagdag nina Tokyo Olympics champion Hidilyn Diaz sa weightlifting at Fil-Japanese Shugen Nakano sa judo at ng Team Philippines-Sibol sa esports.
Bumuhat ang 30-anyos na si Diaz ng total lift na 206 kilograms mula sa 92kgs sa snatch at 114kgs sa clean and jerk para sa pagdedepensa ng korona sa women’s 55-kilogram event na kanyang dinomina noong 2019 Manila edition.
Tinalo ng tubong Zamboanga City sina 2016 Rio de Janeiro Olympics gold medal winner Sanikun Tanasan ng Thailand at Natasya Beteyob ng Indonesia na may 203kgs at 188kgs, ayon sa pagkakasunod.
Ginulat ni Nakano si hometown favorite Hoang Phuc sa finals ng men’s -66kg category para itumba ang gintong medalya.
Kinolekta ng Team Philippines-Sibol, binubuo ng mga veteran players ng Blacklist International, ang gold sa Mobile Legends: Bang Bang ng esports.
Nauna nang nagreyna ang all-female Grindsky Eris sa Wild Rift.
Dadami pa ang medalya ng Pinas, nagtala ng 43 golds, 59 silvers at 80 bronzes, na nasa ilalim ng overall champion Vietnam (163-97-92), Thailand (65-73-105), Indonesia (47-67-63) at Singapore (47-44-62).
Ito ay dahil sa tiyak na ng dalawang gold sa all-Pinoy finals nina men’s 9-ball singles winner Johann Chua at Carlo Biado at women’s 9-ball singles titlist Rubilen Amit at Chezka Centeno ang kani-kanilang 10-ball finals.
Dagdag pa ang ginto sa finals match nina Pinoy netters Francis Casey Alcantara at Jeson Patrombon kontra kina Treat Huey at Ruben Gonzales sa men’s doubles.
Hangad din nina Tokyo Olympic bronze medalist Eumir Marcial (middleweight), Rogen Ladon (flyweight) at Ian Clark Bautista (featherweight) ang ginto sa finals ng boxing.
Nagdagdag ng silver sina judoka Khrizzie Pabulayan (women’s -52kg) at Carlo Von Buminaang (vovinam men’s 65kg) at kumolekta si tennis sensation Alex Eala ng tatlong bronze medals sa women’s singles, women’s team event at mixed doubles.
Sa chess, sinikwat ni WGM Janelle Mae Frayna ang tanso sa women’s individual blitz.
Nagdagdag ng bronze ang women’s beach volleyball team nina Sisi Rondina, Bernadeth Pons, Jovelyn Gonzaga at Dij Rodriguez at ang men’s squad nina Jude Garcia, Jaron Requinton, Krung Arbasto at Ranran Abdilla.
- Latest