Warriors pinatahimik ang Mavs sa Game One
SAN FRANCISCO — Humataw si Stephen Curry ng 21 points at game-high na 12 rebounds para banderahan ang Golden State Warriors sa 112-87 pagbugbog sa Dallas Mavericks sa Game One ng kanilang Western Conference finals.
Nagdagdag sina Andrew Wiggins at Jordan Poole ng tig-19 points para sa 1-0 lead ng Warriors sa kanilang serye ng Mavericks habang iniskor lahat ni Klay Thompson ang kanyang 15 points sa second half.
Nilimitahan ng Golden State si Dallas’ superstar Luka Doncic sa 20 points mula sa mahigpit na depensa ni Wiggins.
“Just make him work, that was the main thing,” wika ni Wiggins sa ginawa niyang pagbabantay kay Doncic na may average na 31.5 points sa playoffs.
Ang back-to-back triples ni Doncic sa first half ang nagdikit sa Mavericks sa 45-54 agwat sa halftime bago nag-init sina Curry at Thompson para sa pagtatayo ng Warriors sa 19-point lead sa third period.
Ang 8-0 atake ng Golden State sa pagbubukas ng final canto ang naglatag sa kanilang 96-69 kalamangan na hindi na kinayang putulin ng Dallas.
Muling gagawin ang Game Two sa San Francisco bukas.
- Latest