Adelaide 36ers ni Kai Sotto mapapasabak sa Melbourne
MANILA, Philippines — Mapapasabak si Kai Sotto at ang Adelaide 36ers sa higanteng bakbakan kontra sa reigning champion na Melbourne United sa umiinit na Australia National Basketball League ngayon sa Adelaide Entertainment Center.
Sasabak sa duwelo ang 36ers sa alas-2:30 ng hapon (Manile time) kontra sa paboritong Melbourne para sa misyong maka-iskor ng ikalawang sunod na panalo at makaangat pa sa team standings.
Kagagaling lang ng Adelaide sa malaking 87-74 panalo kontra sa Perth Wildcats kamakalawa para umangat sa 3-3 kartada kaya siguradong ganadong makikipagbuno sa dayong koponan sakay pa ng homecourt advantage.
Subalit hindi pa rin magiging madali ang misyon kontra sa Melbourne na nasa tuktok ng NBL hawak ang 6-2 kartada kabilang na ang back-to-back wins kontra sa Illawarra Hawks, 88-84, at New Zealand Breakers, 89-78.
Pambato ng Melbourne si dating NBA champion Matthew Dellavedova at national team veteran Chris Goulding.
Upang makumpleto ang layuning goal ay sasandal naman ang Adelaide kina Daniel Johnson, Cameron Bairstow at Sunday Dech habang inaasahan ang presensya uli ni Sotto dahil sa injury ni veteran center Isaac Humphries (right knee).
Hindi naisalang si Sotto sa kanilang panalo kontra sa Perth upang maugong na markahan ang kanilang pagbabalik mula sa isang buwang pagkatengga dahil sa COVID-19 protocols.
Nauna nang hindi nakalaro ang 7-foot-3 Filipino sensation sa unang apat na laro ng Adelide dahil sa knee soreness bago sa wakas ay nag-debut noong Disyembre 18 sa kanilang kabiguan kontra sa Cairns Taipains.
- Latest