Obiena simula na ang rehabilitasyon
MANILA, Philippines — Ilang araw matapos ang operasyon sa kanyang kaliwang tuhod ay sinimulan na ni national pole vaulter Ernest John Obiena ang unti-unti nang pagbabalik kanyang pamatay na porma.
Sinimulan na ni Obiena ang rehabilitasyon sa tuhod niya bilang preparasyon sa mga lalahukang international competitions ngayong taon.
“Everything’s okay,” wika ng Southeast Asian Games at Asian Championships record-holder. “I’m doing my rehab, working on getting back on track and getting healthy again and just being able to do what I need to do.”
Sumailalim sa opersyon si Obiena sa Germany kung saan tinanggal ang turnilyo sa kanyang kaliwang tuhod para sa ACL reconstruction noong 2017.
Ang nasabing operasyon ng 6-foot-2 pole vaulter ay sasagutin ng Philippine Sports Commission (PSC).
Hinihintay ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez na pirmahan ni Obiena ang Mediation Agreement para maresolbahan ang kanilang iringan ni Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) president Philip Ella Juico.
Limang torneo ang nakatakdang salihan ng Pinoy pole vaulter ngayong taon.
Ang una ay ang Init Indoor Meeting sa Enero 28 sa Karlsruhe, Germany kasunod ang World Indoor Championships sa Serbia sa Marso.
Idedepensa naman ni Obiena ang kanyang korona sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo at sasali sa World Athletics Championships sa Hulyo sa Eugene, Ore-gon at sa 19th Asian Games sa Setyembre sa Hangzhou, China.
“My most immediate task is to get healthy and get back on track so that I can compete again for the country,” sabi pa ni Obiena. “Everything else is priority number 2. Time for work to be done.”
- Latest