Air Force vs Team Dasma sa Champions League Finale
MANILA, Philippines — Pinayuko ng Go For Gold-Air Force Aguilas ang Global Remit, 26-28, 25-22, 25-19, 25-18, upang makaabante sa finals ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Champions League men’s tournament kahapon sa Aquamarine Recreational Center Gym sa Lipa, Batangas.
Humataw ng 16 points si John Vic De Guzman, habang may 15 markers din si Lloyd Josafat sahog pa ang apat na blocks at tatlong aces upang pangunahan ang balanseng atake ng Air Force.
Solido rin ang ambag nina Kim Malabunga at Rueben Inaudito na may tig-10 points pati na sina Ricky Marcos (15 digs, 16 receptions) at Kim Dayandante (29 excellent sets).
“Karangalan itong unang PNVF Champions League kaya pagtatrabahuhan pa namin lalo sa championship,” ani coach Dante Alinsunurin na ipinarada ang ilan sa players ng Philippine men’s volleyball team.
Bukod kina De Guzman, Malabunga at Marcos ay makakaasa rin si Alinsunurin kina Mark Alfafara, Jessie Lopez at Francis Sauara na naging malaking bahagi sa makasaysayang silver medal ng Pilipinas noong 2019 Southeast Asian Games.
Makakalaban ng Go For Gold-Air Force ang Team Dasma Monarchs na nakaiwas sa matinding pagkulapso kontra sa VNS Manileño Spikers, 25-20, 30-28, 20-25, 21-25, 18-16 sa huling laro.
- Latest