Japeth Aguilar pinauwi na
MANILA, Philippines — Gustuhin man ni Japeth Aguilar ay hindi na siya makakalaro para sa nagdedepensang Barangay Ginebra sa duwelo kontra sa No. 1 TNT Tropang Giga sa quarterfinals ng 2021 PBA Philippine Cup.
Hindi na nakarekober si Aguilar sa kanyang sprained MCL injury kaya nagdesisyon ang team management na pauwiin na ang 6-foot-8 flying forward noong Biyernes.
“He’s devastated. He wants to play, but he was sent home,” wika ni head coach Tim Cone kay Aguilar na hindi naglaro sa 95-85 pagsibak ng Gin Kings sa Phoenix Fuel Masters sa kanilang playoff game noong Sabado para kunin ang No. 8 spot sa quarterfinals.
Nakuha ni Aguilar ang nasabing knee injury sa 67-88 kabiguan ng Ginebra sa TNT noong Setyembre 12 kung saan humataw si Fil-Am rookie guard Mikey Williams ng 27 points.
Ayon kay Cone, ginawa na ni Aguilar ang lahat para makarekober sa naturang injury sa kagustuhan nitong tulungan ang Gin Kings sa pagsagupa sa Tropang Giga sa quarterfinals.
“From what we’ve seen, it’s our opinion at this point that he’s out for the rest of the conference,” ani Cone sa 34-anyos na si Aguilar.
“He should have gone home a week or two ago after the injury. But he kept trying to get it done. But it was obvious now that he’ll not be able to make it,” dagdag pa ng two-time PBA Grand Slam champion coach.
Hawak ng TNT ang ‘twice-to-beat’ advantage laban sa Ginebra.
- Latest