Coach Pat may kumpiyansa sa Gilas Women’s squad
MANILA, Philippines — Kumpiyansa ang Gilas Pilipinas women’s team na makakaiskor ng panalo kontra sa Chinese Taipei kung hindi man palaring masilat ang biga-ting Australia at China sa Group B sa papalapit na 2021 FIBA Women’s Asia Cup sa Amman, Jordan sa Setyembre 27 hanggang Oktubre 3.
Ayon kay head coach at program director Pat Aquino, magiging malaking tagumpay na para sa koponan ang panalo sa Chinese Taipei upang mapalakas ang misyong manatili sa elite Division A ng Asia Cup.
“I am confident that we have a high chance of winning against Chinese Taipei,” ani Aquino. “We played against them in the Jones Cup a couple of years ago and winning at least one game with less than a month of preparation in the bubble is already a big win for us.”
Huling nagtuos ang Gilas at Taiwan noong 2019 Women’s Jones Cup sa Taiwan, kung saan bahagyang kinapos lang ang Nationals, 91-99, sa overtime.
Determinado ang Gilas, magpaparada ng pinaghalong bagito at beteranong line-up, na madaig ang Chinese Taipei sa kanilang duwelo sa Setyembre 29 pagkatapos ng laban nila kontra sa China at Australia sa Setyembre 27 at 28, ayon sa pagkakasunod.
Bibida sa Gilas ang mga bagong manlalaro na sina Ella Fajardo, Camille Clarin, Karl Ann Pingol at Kristine Cayabyab kasama ang mga beteranong pinapangunahan nina Afril Bernardino, Clare Castro, Gemma Miranda at Janine Pontejos.
Hangarin ng Gilas na makaiwas sa huling puwesto ng eight-team Asia Cup kabilang din ang kampeon na Japan, New Zealand, South Korea at India sa Group A upang hindi mahulog sa Division B ng continental tournament.
- Latest