Orcollo, Biado pasok sa semis ng US Open 9-Ball
MANILA, Philippines — Buhay na buhay ang tsansa para sa all-Filipino finals sa 2021 US Open 9-Ball Pool Championship matapos magmartsa sa semifinals sina Dennis Orcollo at Carlo Biado kahapon sa Harrah’s Resort sa Atlantic City.
Naitarak ni Orcollo ang 11-7 pa-nalo kontra kay Max Lechner ng Austria habang dumaan muna sa butas ng karayom si Biado bago kub-rahin ang pahirapang 11-10 pana-naig laban sa kababayang si Johann Chua sa kanya--kanyang quarterfinal matches.
Nakahirit ng tiket sa quarterfinals si Orcollo nang igupo nito si Mario He ng Austria (11-6) sa Last 16 samantalang namayani naman si Biado kontra kay David Alcaide ng Spain (11-10) sa hiwalay na Last 16 match.
Sa semifinals, makakasagupa ni Orcollo si Alysius Yapp ng Singapore na siyang nagpatalsik kay Pinoy cue master Rodrigo Geronimo sa quarterfinals (11-6) samantalang titipanin naman ni Biado si Naoyuki Oi ng Japan na nanalo kay Fedor Gorst ng Russia (11-9).
Lalaruin ang semifinals alas-10 ng gabi (Sabado sa Maynila) habang idaraos naman ang final round sa alas-3 ng umaga (Linggo sa Maynila).
Sa pagpasok sa semifinals, sigurado na sina Orcollo at Biado ng premyong tig-$12,000 (halos P600,000). Nakalaan ang $50,000 para sa magkakampeon at $25,000 naman sa runner-up.
Target nina Orcollo at Biado na makuha ang ikalawang US Open 9-Ball crown ng Pilipinas na nakopo ni Efren “Bata” Reyes noong 1994.
- Latest