Si Diaz ang PSA athlete of the year
MANILA, Philippines — Mahigit isang taon matapos ibigay sa Pilipinas ang kauna-unahang Olympic gold medal ay hindi pa rin maawat si Hidilyn Diaz sa paghakot ng karangalan para sa bansa.
Binuhat ng 31-anyos na si Diaz ang tatlong gintong medalya sa women’s 55-kilogram class ng nakaraang IWF World Weightlifting Championships sa Colombian, Bogota.
Dinomina ng tubong Zamboanga City ang snatch sa kanyang 93kg at nagtala ng 114kg sa clean and jerk para sa total lift na 207kg.
Ang nasabing tagumpay ang kumumpleto sa bucket list ni Diaz sa pagkopo ng ginto sa mga malalaking international events mula sa Southeast Asian Games, Asian Games at World Championship hanggang sa Olympics.
At bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa Philippine sports ay iginawad kay Diaz ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ang 2022 Athlete of the Year trophy.
Ibibigay sa Pinay weightlifter ang ikatlo niyang Athlete of the Year award sa nakalipas na limang taon sa tradisyunal na San Miguel Corporation (SMC)-PSA Awards Night sa Marso 6 sa grand ballroom ng Diamond Hotel.
Ito ang ikaapat na PSA Athlete of the Year award ni Diaz para pantayan sina world boxing greats Manny Pacquiao at Nonito Donaire Jr.
“Hidilyn Diaz was the unanimous choice as Athlete of the Year for 2022 by the Philippine Sportswriters Association. Her latest triumph is a testament to her being a true world-class athlete who continues to be an inspiration to the Filipino people since her historic gold medal win in the Tokyo Olympics,” ani PSA president at Tempo sports editor Rey Lachica.
Ang gala night ay inihahandog ng Philippine Sports Commission at Cignal TV katuwang ang mga major backers na Philippine Olympic Committee, si Tagaytay City Mayor Abraham ‘Bambol’ Tolentino, MILO, Rain or Shine, si 1Pacman Rep. Mikee Romero, ang Philippine Basketball Association, OKBet at ICTSI.
Sinimulan ng Philippine Air Force (AFP) Staff Sergeant na si Hidilyn ang 2022 sa pagkopo ng gold sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam.
Matapos ikasal kay long-time coach at fiancé Julius Naranjo noong Hulyo ay sumalang si Diaz sa world meet sa Bogota.
- Latest