Fiberxers winasak ang Dyip
Sinolo ang liderato ng PBA Governors’ Cup
MANILA, Philippines — Dumiretso ang Converge sa kanilang ikalawang sunod na ratsada matapos ihulog ang Terrafirma, 130-115, para solohin ang liderato ng 2023 PBA Governors’ Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tumapos si import Jamaal Franklin na may 42 points tampok ang pitong triples bukod pa sa 11 rebounds at 8 assists para sa kanyang debut sa FiberXers.
Si Franklin ang pumalit kay Ethan Rusbatch ng New Zealand na nakatulong sa kanilang 122-92 paggupo sa NorthPort noong Linggo.
“Jamaal played well. But of course, he is still adjusting,” sabi ni coach Aldin Ayo. “ Hopefully, in our next practice, he will be able to adjust sa sistema namin.”
Umiskor si Maverick Ahanmisi ng 16 markers, habang may tig-15 at tig-10 points sina Jeron Teng, Justin Arana, Alec Stockton at Abu Tratter, ayon sa pagkakasunod.
Nadiskaril naman ang eksplosibong laro ni import Jordan Williams na humataw ng 46 points kasama ang walong tres sa panig ng Dyip.
Isang 26-7 bomba ang inihulog ng Converge sa third quarter para ilista ang 94-82 kalamangan sa huling apat na minuto mula sa seven-point deficit sa Terrafirma.
Hindi na bumitaw ang FiberXers kung saan lalo pa nilang iniwanan ang Dyip sa ipinosteng 22-point lead, 130-108 sa huling 1:10 minuto ng fourth period.
Nagdagdag si Juami Tiongson ng 18 points, ang 16 dito ay iniskor niya sa first half, para sa Terrafirma.
Samantala, target ng TNT Tropang Giga na makasosyo sa liderato sa pagsagupa sa Rain or Shine ngayong alas-5:45 ng hapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nagmula ang Tropang Giga sa 123-119 panalo sa Phoenix noong Miyerkules.
- Latest