Baltazar maglalaro sa KBL
MANILA, Philippines — Matapos ang maikling paglalaro sa Japan B.League ay susubukan naman ni Justine Baltazar ang kanyang kapalaran sa Korean Basketball League (KBL).
May kinakausap ng KBL team ang kampo ng 6-foot-6 center para sa inaasahan niyang paglipat sa nasabing liga.
Inilaglag ng B.League team na Hiroshima Dragonflies si Baltazar kung saan siya nakapaglaro ng walong beses.
Sa kabuuang 13:36 minuto ay nagtala lamang si Baltazar ng 2 points, 1 rebound, 1 assist at 1 steal.
Isa sana ang dating La Salle Green Archers big man sa posibleng naging top pick sa nakaraang PBA Draft kundi lamang niya binawi ang kanyang isinumiteng application form.
Noong nakarang linggo umuwi sa Pilipinas si Baltazar para maglaro saglit sa Pampanga G Lanterns sa Pilipinas Super League.
Ngunit hindi siya nakita sa aksyon sa panalo ng Pampanga laban sa San Pedro at Quezon City sa Pro Division Second Conference Dumper Cup.
Sakaling matuloy siya sa KBL ay makakasama ni Baltazar sa liga sina RJ Abarrientos, Rhenz Abando, SJ Belangel, Ethan Alvano at Justine Gutang.
Sasampa na rin sa Korean league si dating Ateneo Blue Eagles’ guard Dave Ildefonso para isuot ang uniporme ng Suwon KT Sonicboom.
Samantala, nagtala si Abando ng 2 points, 2 rebounds at 1 assist sa 92-74 panalo ng Anyang KGC sa Wonju DB Promy sa 2022-23 KBL season.
- Latest