Davis iginiya ang Lakers sa panalo sa Bucks
MILWAUKEE, Philippines — Kumamada si Anthony Davis ng season-high na 44 points, habang nilampasan ni LeBron James si legend Magic Johnson sa NBA career assists list sa 133-129 panalo ng Los Angeles Lakers sa Bucks.
Tumapos si James na may 28 points, 11 assists at 8 rebounds para sa 9-12 kartada ng Lakers.
Itinaas niya ang kanyang career assist total sa 10,144 para upuan ang sixth place at ungusan si Johnson (10,133).
Nagposte naman si Giannis Antetokounmpo ng 40 points, 7 rebounds at 5 assists para sa Bucks (15-6) na isinalang si Khris Middleton matapos ang wrist surgery.
Naimintis ng Milwaukee ang dalawang potensyal na panabla sanang triples sa huling 20 segundo ng laro mula kina Grayson Allen at Jrue Holiday.
Sa San Francisco, tumipa si Jordan Poole ng 30 points sa 119-111 pananaig ng nagdedepensang Golden State Warriors (12-11) sa Chicago Bulls (9-13).
Sa Cleveland, umiskor si Donovan Mitchell ng 34 points sa 107-96 pagdaig ng Cavaliers (15-8) sa Orlando Magic (5-18).
Sa New York, humataw si Kyrie Irving ng 27 points sa 114-105 tagumpay ng Brooklyn Nets (13-11) sa Toronto Raptors (11-11).
Sa Boston, kumabig si Bam Adebayo ng 28 points sa 120-116 overtime win ng Miami Heat (11-12) sa Celtics (18-5)
- Latest