Gin Kings puwede pa sa No. 2
MANILA, Philippines — Itinagay ng Barangay Ginebra ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos talunin ang Converge, 115-96, sa 2022 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kumolekta si import Justin Brownlee ng 25 points, 12 rebounds at 9 assists para sa Gin Kings.
Pinaganda ng Ginebra ang kanilang kartada sa 9-3 para sa third place sa team standings sa ilalim ng guest team na Bay Area Dragons (10-2) at Magnolia Hotshots (9-2).
Makakamit ng Ginebra ang inaasam na No. 2 spot sa quarterfinals kung matatalo ang Magnolia sa Rain or Shine (5-6) bukas.
“It’s out of our control. We’re not gonna worry about it,” sabi ni Gin Kings’ head coach Tim Cone.
May ‘twice-to-beat’ incentive ang No. 1 at No. 2 teams sa quarters kontra sa No. 8 at No. 7 squads, ayon sa pagkakasunod, at maglalaban sa best-of-three series ang No. 3 at No. 6 at No. 4 at No. 5.
Ito ang pangalawang dikit na kamalasan ng FiberXers para sa kanilang 8-4 baraha.
Sa unang laro, humakot si import Earl Clark ng 40 points, 11 rebounds, 2 assists at 2 blocks para banderahan ang NLEX (5-7) sa 91-82 pagsibak sa Meralco (4-7) at buhayin ang tsansa sa playoff sa No. 8 seat.
Kailangang ipagdasal ng NLEX na matalo ang Rain or Shine (5-6) sa Magnolia Hotshots (9-2) bukas para makapuwersa ng playoff sa huling quarterfinals seat.
Ang pagkakatalsik ng Bolts ang nagresulta sa pagpasok sa quarters ng San Miguel Beermen (6-5), NorthPort Batang Pier (6-6) at Phoenix Fuel Masters (6-6).
- Latest