Dragons ibinunton ang galit sa Beermen
MANILA, Philippines — Hindi pumayag ang guest team na Bay Area na mahulog sa ikalawang sunod na kabiguan.
Humakot si import Andrew Nicholson ng 39 points at 12 rebounds para banderahan ang Dragons sa 113-87 paggupo sa San Miguel sa 2022 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumalikwas ang Bay Area mula sa naunang 93-111 kabiguan sa Barangay Ginebra para ilista ang 5-1 baraha sa ilalim ng lider na Magnolia (4-0).
Ito naman ang ikalawang kabiguan ng San Miguel, hindi nakuha ang serbisyo ni six-time PBA MVP June Mar Fajardo na sumailalim sa surgery sa kanyang throat injury, sa tatlong laro.
“He’s maybe the best player in the competition. They played off him and they won a championship,” wika ni coach Brian Goorjian kay Fajardo.
Nagdagdag si Hayden Blankey ng 17 points para sa Dragons, habang may tig-16 markers sina Zhu Songwei at Kobey Lam.
Pinangunahan ni CJ Perez ang Beermen sa kanyang tinapos na 19 points kasunod ang 15 markers ni Vic Manuel.
Nalimitahan naman si import Diamond Stone sa 11 points.
Maagang nakapagtayo ng double-digit lead ang Bay Area sa opening period, 28-17, bago ito palakihin sa 30-point lead, 86-56, sa huling 1:04 minuto ng third quarter.
Hindi na ito napaliit ng San Miguel sa final canto kung saan sila naiwanan sa 84-106 sa 1:53 minuto.
- Latest