Philippines BEST naka-24 golds na sa PSI meet
MANILA, Philippines — Hindi mapigilan ang Philippines BEST (Behrouz Elite Swimming Team) matapos itaas sa 24 gintong medalya ang nakolekta matapos ang third day ng PSI Grand Prix National Finals na ginaganap sa New Clark City swimming pool sa Capas, Tarlac.
Ayaw paawat ni Brent International School standout Micaela Jasmine Mojdeh na sumisid pa ng dalawang gintong medalya kabilang ang kanyang paboritong 200-meter butterfly sa bilis na dalawang minuto at 20.40 segundo.
Namayagpag pa ang World Junior Championships semifinalist sa 400m individual medley matapos magrehistro ng 5:15.85.
Nagbulsa pa si Peter Dean ng dalawang ginto sa 100m backstroke at 400m IM, habang humirit rin ng gintong medalya sina Jules Mirandilla, John Neil Paderes at Coby Rivilla sa kanilang mga age groups.
Nanguna si Mirandilla sa 200m butterfly bunsod ng naitalang 2:09.24. habang pinagharian ni Paderes ang 100m backstroke tangan ang 1:00.20, at namayagpag si Rivilla sa 200m butterfly.
May pilak naman sina Yugo Cabana (200m butterfly), Marcus Johannes De Kam (50m freestyle) at nakatanso sina Zahjeed Sarmiento (200m butterfly), Ivan Radovan (2oom butterfly), Achi Alterado (200m butterfly) at Julian De Kam (100m backstroke).
Sa kabuuan ay may 24 ginto, 14 pilak at 17 tanso na ang Philippines BEST sa torneong inorganisa ng Philippine Swimming Incorporated (PSI).
“We have a lot of contenders in our team for the SEA Age-Group Championships. We have nominated 20 swimmers to be part of the Junior National team. We hope that all of them will be able to make it to the national team,” sabi ni Philippines BEST team manager Joan Mojdeh.
Ang mga mapipiling swimmers na may magandang rekord sa Grand Prix National Finals ay ipadadala ng PSI sa SEA Age-Group Championships na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Disyembre.
Nangunguna na sa mga posibleng makasama si Micaela Jasmine na beterano na ng mga international competitions.
- Latest