La Salle nakaganti sa Ateneo
MANILA, Philippines — Tinapos ng De La Salle University ang limang taong kamalasan sa karibal na Ateneo De Manila University.
Nagpasabog si Schonny Winston ng 25 points sa 83-78 pagpana ng Green Archers sa Blue Eagles sa UAAP Season 85 men’s basketball tournament sa harap ng 12,056 fans kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ikalawang sunod na ratsada ng La Salle para pantayan ang 2-1 record ng Ateneo sa ilalim ng 3-0 baraha ng nagdedepensang UP.
Huling tinalo ng Green Archers ang Blue Eagles noong Nobyembre 29, 2017 sa Game Two ng UAAP Season 80 Finals.
“I think the boys really worked hard, they’ve proven that they could beat Ateneo,” sabi ni coach Derick Pumaren.
Nagtala rin si Winston ng 5 rebounds at 6 assists para sa La Salle na kinuha ang 83-78 abante sa huling pitong segundo ng fourth quarter mula sa dalawang free throws ni Evan Nelle.
Nauna nang nabigo si Forthsky Padrigao na maitabla ang Ateneo.
Binura ng Green Archers ang double-digit lead ng Blue Eagles sa first period patungo sa panalo.
Tumipa si reigning UAAP MVP Ange Kouame ng season-high na 22 points bukod sa 12 rebounds para sa Ateneo.
Samantala, umiskor si rookie guard Kean Baclaan ng 16 points para akayin ang National University sa 69-63 paglantak sa University of Santo Tomas.
Nagsalpak rin si Baclaan, naglaro para sa Tigers sa preseason bago lumipat sa Bulldogs, ng apat na triples bukod sa 7 assists at 4 steals.
Tumipa rin si veteran guard John Lloyd Clemente ng 16 markers para sa NU, habang humakot si foreign student-athlete Omar John ng 8 points at 11 boards.
Nalubog ang UST sa 44-62 agwat sa 8:02 minuto ng fourth quarter bago nakalapit sa 54-62 sa huling 1:12 minuto nito.
“Medyo nag-relax. Iyon ang kailangan naming i-address,” sabi ni coach Jeff Napa sa kanyang Bulldogs.
Nagposte si Adama Faye ng 20 points at 10 rebounds para sa Tigers at may 16 markers si Nic Cabanero.
- Latest