Obiena nilundag ang gold sa Sweden meet
MANILA, Philippines — Lumundag si World No. 6 pole vaulter Ernest John Obiena ng bagong season best para angkinin ang gold medal sa Taby Stavhoppsgala sa Sweden.
Ipinoste ng 6-foot-2 na si Obiena ang 5.92 meters para pagharian ang torneo laban kina 2016 Rio de Janeiro champion Thiago Braz (5.82) ng Brazil at Simen Guttormsen (5.72m) ng Norway.
“5.92m and the win here in Täby IS Friidrott,” wika ni Obiena sa kanyang Facebook post. “Next stop is BAUHAUS-galan on 30th of June.”
Ito ang unang torneo ng Tokyo Olympian matapos makumpleto ang kanyang quarantine nang magpositibo sa COVID-19 kamakailan.
Sinira ni Obiena ang kanyang naunang season best na 5.85m na inilista niya sa isang torneo sa Italy matapos angkinin ang gold sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Bigo ang 26-anyos na pole vaulter na malampasan ang kanyang personal best at Asian record na 5.93m na inilista niya sa Austria noong Setyembre ng 2021.
Tatlong sunod na fouls ang nagawa ni Obiena kaya hindi niya nawasak ang nasabing marka.
Dahil sa pagkakaroon ng COVID-19 nitong buwan ay hindi nakalahok si Obiena sa nakaraang Oslo Bislett Games sa Norway at sa Meeting de Paris sa France.
Mananatili ang Pinoy pole vaulter sa Sweden para lumaban sa Stockholm Diamond League na nakatakda bukas.
- Latest