Letran kumana ng first win sa NCAA

MANILA, Philippines — Naitakas ng Colegio de San Juan de Letran ang pukpukang 21-25, 25-20, 25-15, 23-25, 15-9 panalo laban sa San Beda University upang masungkit ang kanilang unang panalo sa NCAA Season 97 wo­men’s volleyball tournament kahapon sa Paco Arena.

Nanguna sa atake ng Lady Knights si Shereena Urmeneta na nagtala ng 16 puntos mula sa 12 attacks, dalawang blocks at dalawang aces.

Nakatuwang ni Urmeneta sa opensa sina Daisy Melendres at Julienne Castro na parehong kumana ng 12 puntos para sa Letran.

Nakakuha rin ng solidong suporta ang Lady Knights mula kay Chamberlaine Cunada na kumana ng 11 hits.

Dahil sa panalo, pumasok ang Letran sa win column tangan ang 1-3 baraha.

Solido ang Letran sa net defense matapos itong maglista ng kabuuang 10 blocks kung saan nagsumite  ng tig-tatlong blocks sina Melendres at Edma Musngi.

Nakalamang din ng bahagya ang Lady Knights sa Lady Red Spikers sa attacks (43-39).

Nanatiling mailap ang panalo para sa San Beda na nahulog sa 0-4 marka.

Nasayang ang 14 puntos na produksiyon ni Ma­xinne Tayag para sa Lady Red Spikers gayundin ang 12 puntos ni Patricia Manalac.

Show comments