Cone idinagdag ni Reyes sa Gilas coaching staff

Cone.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Sa ikaapat na pagkakataon ay magkakasama sina Tim Cone ng Barangay Ginebra at Chot Reyes ng TNT Tropang Giga sa iisang koponan.

Idinagdag ni Reyes si Cone sa kanyang c­oaching staff sa paghahanda ng Gilas Pilipinas para sa 2023 FIBA World Cup na ihi-host ng bansa kasama ang Japan at Indonesia.

“I’m here to form the best team possible, not only the players, but also the coaching staff,” wika ni Reyes matapos tanggapin ang kanyang ikaanim na Coach of the Year trophy sa PBA Press Corps Awards Night sa Hotel Novotel Manila Araneta kamakalawa ng gabi.

Hindi sinabi ni Reyes kung kailan niya makakasama sa Gilas si Cone.

Sasabak  ang Natio­nals sa third window ng 2023 FIBA World Cup Asian qualifiers sa Hunyo 30 sa Auckland at sa Hulyo 3 sa MOA Arena sa Pasay City at sa 2022 FIBA Asia sa Indonesia sa susunod na buwan.

Makakasama ng 62-anyos na si Cone sa Gilas coaching staff sina dating New Zealand mentor Nenad Vucinic, UP champion mentor Goldwin Monteverde, Jong Uichico at Josh Reyes.

“He wants to help. I think he will be bring great value to the coaching staff,” sabi ng 58-anyos na si Reyes sa two-time PBA Grand Slam champion coach.

Naging assistant ni Cone si Reyes sa Alaska noong 1989 hanggang 1992 bago naging head coach si Reyes ng Coney Island (Magnolia ngayon) noong 1993 kung kailan niya nakamit ang kanyang unang PBA title.

Hinirang si Cone na coach ng Philippine Centennial Team kasama si Reyes noong 1998 na nag-uwi ng gold medal sa William Jones Cup at bronze medal sa Asian Games.

Show comments